Balita

11 sundalo ng AFP, napaslang sa mga aktibong depensa ng BHB-West Camarines Sur noong Pebrero

Dalawang beses na nakapagtanggol ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-West Camarines Sur (Norben Gruta Command) sa pag-atake ng mga sundalo ng 81st IB at 16th IB noong huling linggo ng Pebrero sa bayan ng Ragay. Hindi bababa sa 11 sundalo ang napatay at pito ang nasugatan sa mga aktibong depensa ng Pulang hukbo.

Noong Pebrero 23, magiting na lumaban ang mga Pulang mandirigma sa naganap na engkwentro sa Barangay Baya, Ragay, Camarines Sur. Kasunod nito, kaagad na nagkasa ng lakas-batalyon na operasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kagubatan ng Ragay at Lupi ng Camarines Sur at Labo ng Camarines Norte.

Noong Pebrero 24, muling naengkwentro ng mga Pulang mandirigma ang isang pormasyon ng militar sa Ragay. Nakalaban ang yunit at ligtas na nakamaniobra palayo sa mga kolum ng kaaway.

Sa desperasyong pinsalaan nang malaki ang hukbong bayan, nagpalipad ng dalawang helikopter ang militar at walang habas na nag-istraping sa mga kabundukan ng Barangay Baya. Naapektuhan nito ang kabuhayan ng mga residente na malapit sa pinaulanan ng bala ng mga sundalo.

Nabuwal sa magkasunod na labanan ang Pulang mandirigma na si Angelo “Ka Kim” San Diego. “Pinakamataas na parangal ang ibinibigay ng Norben Gruta Command at buong rebolusyonaryong kilusan [sa kanya] na buong tapang na hinarap ang pinakamataas na sakripisyo ng paglilingkod sa bayan,” pahayag ni Ka Michael Robredo, tagapagsalita ng BHB-West Camarines Sur.

Samantala, naglinaw ang Pulang hukbo hinggil sa patakaran ng paggamit nito ng command detonated explosives (CDEx). Taliwas sa paratang ng armadong pwersa ng rehimeng Marcos, saklaw ng internasyunal na makataong batas at nasa balangkas ng Ottawa Treaty ang paggamit ng mga CDEx.

Ang CDEx ay pumuputok lamang kapag pinindot o pinasabog ito ng elementong nakatalaga para rito. Tiyak at limitado ang naapektuhan ng naturang pampasabog. Dumadaan sa masinsin na pagsasanay ang mga Pulang mandirigma na gumagampan sa tungkulin ng pagpapasabog ng CDEx.

Sa kabilang banda, binatikos ni Ka Michael ang patung-patong na mga paglabag sa internasyunal na makataong batas ng berdugong militar. Naitala sa mga baryong saklaw ng operasyon ang pagpigil sa mga residente na umahon sa bundok para maghanapbuhay. Marami sa kanila ang ipinailalim sa paninindak, saywar at mental torture.

AB: 11 sundalo ng AFP, napaslang sa mga aktibong depensa ng BHB-West Camarines Sur noong Pebrero