Balita

Imbestigasyon ng mga mambabatas sa US sa masaker sa Negros, suportado ng mga abugado

,

Malugod na tinanggap at sinuportahan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang inisyatiba ng mga mambabatas sa US, sa pangunguna nina Sen. Jeffrey A. Merkley at Rep. Pramila Jayapal, na nananawagan para sa isang independyente, walang-kinikilingan, at kapani-paniwalang imbestigasyon sa masaker sa 19 katao sa Toboso, Negros Occidental. Kabilang sa mga pinatay sa masaker sina Kai Sorem at Lyle Prijoles, na kapwa US citizen.

Nagpadala ang 11 mambabatas ng US ng isang upisyal na liham kay Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez para manawagan ng imbestigasyon. Bukod kina Merkley at Jayapal, lumagda rin sa liham sina Representative Maxine Dexter, Jesús G. “Chuy” García, James P. McGovern, Kweisi Mfume, Johnny Olszewski Jr, Delia C. Ramirez, and Rashida Tlaib.

Hinimok ng mga mambabatas ang gubyerno ng Pilipinas na pahintulutan ang isang kapani-paniwalang pagsusuri ng ikatlong partido kung lumabag ba ang operasyong militar sa International Humanitarian Law (IHL) at mga pamantayan sa karapatang-tao. Naghain sila ng mga katanungan kung ginamit ba ang ayudang panseguridad, pagsasanay, o armas mula sa US ng mga yunit ng militar ng Pilipinas na sangkot sa operasyon sa Toboso. Maaari itong magresulta sa mga restriksyon sa ilalim ng mga batas sa ayudang dayuhan ng US tulad ng Leahy Law. Binigyang-diin nila sa liham ang pangangailangan ng transparency sa mga sibilyang kaswalti at ang pananagot ng sinumang tauhan ng militar na lumabag sa mga internasyunal na protokol sa labanan

“Kaisa kami sa matinding pagkabahala ng mga mambabatas sa US hinggil sa mga hadlang na epektibong nagpaparalisa sa mga lokal na mekanismo ng pagpapanagot,” pahayag ng NUPL. Anito, aktibong hinaharang ng militar at pulis ang mga independyenteng imbestigasyon sa masaker para “linisin ang salaysay at pagtakpan ang kanilang mga krimen.”

Sang-ayon ang NUPL na naganap ang masaker sa Toboso sa ”mas malawak na konteksto ng mga kampanyang kontra-insurhensya at kontra-terorismo ng estado.”

“Dapat na ganap na papanagutin at iharap sa hustisya ang mga salarin sa masaker na ito, gayundin ang mga namumunong upisyal na nagplano at nagbigay-daan dito,” panawagan ng grupo.

“Sa pamamagitan ng nakamamatay na Red-tagging…binubura ng mga pwersa ng estado ang prinsipyo ng pagkakaiba (principle of distinction) sa pagitan ng mga armadong kombatant at mga walang-armas na sibilyan,” anito. ”Sadya nitong pinalalala sa pamamagitan ng paggamit sa mga batas sa terorismo bilang sandata, na nagpapalabo sa pagkakaiba ng armadong tunggalian at terorismo upang saklawin ang armadong kilusan at ang ligal na kilusan na hindi tamang iniuugnay dito.”

Dagdag ng grupo, “krusyal ang internasyunal na pagkakaisa sa pagbasag sa kultura ng kawalang pananagutan sa Pilipinas.”

AB: Imbestigasyon ng mga mambabatas sa US sa masaker sa Negros, suportado ng mga abugado