Balita

Malakihang dagdag-singil sa kuryente sa EV, inirereklamo

,

Umani ng batikos mula sa mga taga-Eastern Visayas ang nakatakdang malakihang dagdag-singil sa kuryente sa rehiyon ngayong Hulyo. Sa anunsyo ng ng Federation of Rural Electric Cooperatives in Region 8 (FRECOR-8) noong Hulyo 7, sisingilin sa mga konsyumer ang buong ₱573.53 milyong halaga ng mga aberya sa transmisyon ng kuryente, na pinakamataas na singil sa isang buwan sa kasaysayan.

Ang nasabing halaga ay ang Line Loss and Congestion Cost (LLCC). Bahagi ito ng ₱1.187 bilyong sinisingil ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa 11 kooperatiba sa rehiyon para sa Hulyo. Paliwanag ng FRECOR-8, tumaas ang LLCC dahil sa pagbagsak ng mga planta, mababang suplay at mataas na demand, na nagresulta na sa magkakasunod na yellow at red alert ng Visayas grid nitong nakaraang mga buwan. Ang mga aberyang ito ay buong pinababalikat sa mga konsyumer kahit na kuryente ito na hindi nila nagamit.

Pinakamataas ang magiging singil sa Biliran na aabot sa ₱24.34 kada kilowatt hour (kWh). Susundan ito ng SAMELCO II na maniningil ng ₱23.01/kWh, ng DORELCO na ₱21.75/kWh, at ng NORSAMELCO na ₱20.16/kWh. Papalo ang abereyds na buwanang singil sa rehiyon sa ₱19.79/kWh. Ang isang maliit na tahanan na may konsumong 51 kWh (ilaw at electric fan lamang) ay tinatayang sisingilin ng karagdagang ₱205 kada buwan.

Ipapatupad ang malakihang umento sa kabila ng ilang dekadang bulok na serbisyong kuryente. Sa ilang lugar, kada dalawa o tatlong araw napuputol ang suplay na umaabot ng tig-12 oras. Kahit hangin o ulan ay nakapagpapabagsak ng poste o kawad. May mga lugar na kailanman ay hindi pa naaabot ng linya ng kuryente.

Bunga ng EPIRA

Sa gitna nito, kumalat sa social media ang isang bukas na liham mula sa mga residente, konsyumer at negosyante sa Eastern Visayas na nananawagan kay Marcos Jr na pababain ang singil sa kuryente. Binatikos nila ang pribatisasyon ng industriya ng kuryente at ang hindi makatarungan na sobrang mahal ng kuryente, lalupa’t sa rehiyon matatagpuan ang Tongonan Geothermal Power Station, ang pinakamalaking geothermal plant sa bansa.

Bago nito, inamin ng meyor ng Calbayog City sa si Raymund Uy sa isang public hearing na hindi makakukuha ang syudad ng kahit kaunting malilikhang kuryente sa itatayo rito na wind farm. Sa halip, ita-transmit ito sa ibang lugar.

Ang buhol-buhol na problemang sa kuryente ay resulta ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA, na isinabatas 25 taon na ang nakararaan. Sa ilalim nito, pinaghiwa-hiwalay ang generation (mula sa mga planta), transmission (sa pamamagitan ng mga grid) at distribution (ng mga kooperatiba) ng kuryente. Ibinukas ito sa pribadong pagmamay-ari at kita ng iilang malaking kumpanya, at ginawang kalakal ang kuryente imbis na serbisyo para sa tao.

Sa ilalim ng EPIRA, bumibili ang mga kooperatiba, tulad ng mga nakapailalim sa FRECOR-8, ng kuryente sa WESM. Pinahintulutan silang buong ipasa sa mga konsyumer ang mga aberya sa transmisyon tulad ng LLCC. Ipinasa rin ang 12% value-added tax, subsidyo sa mga senior citizen at mahihirap na dapat sinasagot ng gubyerno, at iba pang dagdag na singilin. Nananatili pa ring bulok at hindi istable ang suplay ng kuryente.

Kaya kahit na matapos ang hindi bababa sa ₱33 bilyong halaga ng mga proyektong renewable energy na niraratsada ng rehimeng Marcos at mga lokal nga upisyal ha Eastern Visayas, hindi pa rin uunlad o magiging abot-kaya ang serbisyong kuryente sa rehiyon.

—ulat mula sa Larab, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Eastern Visayas

AB: Malakihang dagdag-singil sa kuryente sa EV, inirereklamo