12th IB at 82nd IB, nabigwasan sa 2 engkwentro sa BHB-Central Panay

Tatlong pasistang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang napatay habang tatlong iba pa ang nasugatan sa dalawang engkwentro ng mga yunit nito laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr. Command) noong Disyembre 9 at 10 sa Iloilo. Itinanggi at itinago ng mga pasista ang kanilang mga kaswalti sa naturang mga labanan.

Napatay ng mga mandirigma ng BHB-Central Panay ang tatlong sundalo ng 12th IB nang makasagupa ang mga ito sa Barangay Manaripay, Calinog, Iloilo noong Disyembre 10, bandang alas-4:50 ng hapon. Liban dito, may ilan pang nasugatan sa mga pasista ayon sa nakalap na impormasyon ng BHB-Central Panay.

“Itinago ng 12th IB ang mga kaswalti nito at sikretong inilabas mula sa lugar ng engkwentro noong madaling araw ng Disyembre 11,” ayon kay Ka Siera Roja, media liaison officer ng BHB-Central Panay.

Samantala, tatlong sundalo ng 82nd IB ang nasugatan sa engkwentro nito sa isa pang yunit ng BHB-Central Panay sa Sityo Tagbakan, Barangay Jayobo, Lambunao, Iloilo noong Disyembre 9, alas 8 ng umaga.

“Wala namang kaswalti sa mga yunit ng BHB sa dalawang engkwentro,” ayon kay Ka Siera.

Pinasinungalingan naman ni Ka Siera ang pinalalabas na isa pang engkwentro ng 31st Division Reconnaissance Company sa Sityo Tagbakan 1, Barangay Jayubo, Lambunao noong Disyembre 10 ng umaga. Giit niya, walang yunit ng BHB-Central Panay na nakasagupa ang 31st DRC at pawang kasinungalingan lamang ito.

“Ang katotohanan, pinatay nila ang sibilyang si Bombik Bajoyo na mayroong kapansanan sa pag-iisip at pinalalabas na mandirigma ng BHB,” pahayag ni Ka Siera.

AB: 12th IB at 82nd IB, nabigwasan sa 2 engkwentro sa BHB-Central Panay