15,000 klasrum na planong itayo ng DepEd, kulang na kulang ayon sa mga guro
Inianunsyo ng Department of Education (DepEd) noong Disyembre 20 na pumirma ito sa isang kasunduan sa balangkas ng Public-Private Partnership (PPP) para pondohan ang pagtatayo ng mga kulang na klasrum sa bansa. Anang kagawaran, plano nitong magtayo ng 15,000 mga klasrum sa 1,600 eskwelahan sa siyam na rehiyon na nagkakahalagang $1 milyon sa ilalim ng “School Infrastructure Program Phase III.”
Pinuna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines ang labis na pagsalalay ng gubyerno sa mga PPP para tugunan ang kakulangan ng mga imprastruktura. “Hindi dapat ipasa sa pribadong sektor ang responsibilidad ng gobyerno na magbigay ng dekalidad na edukasyon. Dapat direktang pondohan ng estado ang mga pangangailangan ng sektor,” pahayag ni Quetua.
Idiniin din ng ACT na ang plano ng DepEd ay tutugon lamang sa 6% ng 250,000 klasrum na kailangan para maipatupad ang bilang na 40-45 ng estudyante kada klasrum na rekomendasyon ng DepEd. Ayon kay Vladimer Quetua, pambansang tagapangulo ng ACT, mas marami pa ang kailangan para maabot ang ideyal na 1:35 ratio ng guro sa estudyante.
Ayon sa presidente ng ACT Teachers Party-list na si Antonio Tinio, “kung ang bilyun-bilyong confidential funds at pondo para sa darating na eleksyon ay ilalaan sa social services tulad ng edukasyon, kayang-kaya nating tugunan ang classroom shortage at iba pang pangangailangan ng mga paaralan.” Kabilang ang ACT Teachers sa masugid na bumatikos sa paggasta at pagpondo ng rehimeng Marcos sa confidential funds.
Malaon nang panawagan ng mga guro ang paglalaan ng 6% ng gross domestic product (GDP) para sa sektor ng edukasyon alinsunod na rin sa rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Pagdidiin pa ng ACT, dapat magtuon ng pansin ang gubyerno sa mas komprehensibo at tulu-tuloy na programa ng pagtatayo ng mga imprastruktura para sa edukasyon.
Kaakibat nito, itinutulak ng grupo ang pagdagdag ng mga bagong guro, sapat na kagamitan sa pagkatuto at maayos na pagpapanatili sa mga pasilidad para sa pagsulong ng edukasyon. “Nakasalalay ang kinabukasan ng milyun-milyong estudyanteng Pilipino sa kagustuhan ng gubyerno na mamuhunan sa imprastruktura sa edukasyon,” ayon pa kay Quetua.