Balita

16-kataong iskwad ng 49th IB, inambus ng BHB-Albay

Inambus ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Albay (Santos Binamera Command) ang nag-ooperasyong 16-kataong iskwad ng 49th IB noong Agosto 21 sa Barangay Palapas, Ligao City, Albay. Hindi bababa sa tatlong pasistang sundalo ang napatay at isa pa ang naiulat na nasugatan sa ambus.

Ayon sa ulat ng BHB-Albay, ang tropa ng 49th IB ay magtatangka sanang lumapit sa hinihimpilan ng hukbong bayan para ireyd ang yunit. Anito, agad na nabantayan ng hukbong bayan ang kilos ng militar at nagpatupad ng mapagpasyang hakbang para patamaan ito.

Para pagtakpan ang kanilang pagkatalo, itinago ng 49th IB ang pagkamatay ng tatlong sundalo. Ang tanging inamin ng 49th IB sa balita ay ang pagkasugat ng isang tropa ng Charlie Company na isang Pvt. Dani. Sa balita ng Ratsada Bareta ng Eagle FM 92.7 Naga, iniulat nitong isinugod sa ospital sa Ligao City ang sugatang sundalo at kalaunan ay inilipat sa ospital sa Legazpi.

Taliwas sa pahayag ng militar, walang nasugatan sa mga Pulang mandirigma ng BHB-Albay at ligtas na nakaatras ang yunit.

Ayon kay Ka Florante Orobia, tagapagsalita ng BHB-Albay, ang naturang matagumpay na aksyon ay resulta ng pagiging alerto at kahandaan ng hukbong bayan na aktibong magdepensa sa atake ng kaaway. Dagdag pa niya, susi rito ang mahusay na paniktik at ang malawak na suportang tinatamasa ng BHB mula sa masa.

“Ang kahandaan at kalistuhang ipinamalas ng yunit ay bunga ng panibagong mga pagsasanay at pag-aaral ng mga Pulang mandirigma para pangibabawan ang natukoy na mga kahinaan sa nakaraan,” dagdag ni Ka Florante. Nanawagan siya sa lahat ng yunit sa ilalim ng BHB-Albay na ipagpatuloy ang opensibang postura at tiyak na marami pang tagumpay ang makakamit sa rebolusyonaryong pakikidigma.

Sa buong buwan ng Agosto, sunud-sunod ang naiulat na mga armadong aksyon at aktibong depensa ng mga yunit ng BHB laban sa umaatakeng tropa ng Armed Forces of the Philippines. Naitala ang mga ito sa Aurora, Oriental Mindoro, Quezon, at Capiz.

Ayon kay Ka Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, pinasisinungalingan ng mga serye ng labanan na ito ang pahayag ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo na “wala nang grupong gerilya” sa bansa.

AB: 16-kataong iskwad ng 49th IB, inambus ng BHB-Albay