2-araw na tigil-pasada laban sa bagong mga ruta, ilulunsad sa Iloilo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nakatakdang magtigil-pasada ang mga drayber sa tinatawag na “first town” o mga bayan sa paligid ng Iloilo City sa Hunyo 3 at Hunyo 4 para tutulan ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) ng Iloilo City na maglilimita sa bilang ng dyip na papapasukin syudad.

Sa ilalim ng LPTRP, na kaakibat ng PUVMP o jeepney phaseout, hanggang 40% lamang ng mga dyip ang pahihintulutang makapasok sa syudad mula alas-6 hanggang alas-9 ng umaga at alas-4:30 hanggang alas-6:30 ng gabi, mga oras na pinakamaraming pasahero sa kalsada. Ililimita naman sa 25% ang makakapasok na dyip sa iba pang oras.

Lubhang maapektuhan ang mga drayber at komyuter mula sa mga bayan ng Leganes, Pavia at Oton, at posibleng hanggang San Miguel sa iskemang ito.

Ayon sa mga drayber, isa o dalawang beses na lamang silang makapapamasada sa loob ng syudad sa ilalim ng iskemang ito. Panawagan nila, ibalik ang dating sistema kung saan 100% ng mga dyip mula sa mga “first town” ang pinapayagang pumasok sa syudad.

Sa press conference na idinaos ng mga drayber sa Pavia Farmers Center noong Mayo 31, pinabulaanan nila ang paratang ng konseho ng Iloilo City na ang mga dyip ang salarin ng trapik sa syudad. Anila, mga pribadong sasakyan ang dahilan ng matinding trapik sa syudad at hindi ang kanilang mga yunit.

Dagdag nila, lubhang babagsak ang kanilang kita kung pagbabawalan silang pumasok sa syudad. Ayon sa isang drayber, ang kinikita niyang ₱700-₱800 sa isang araw ay nauwi sa ₱300 na lamang nang hindi siya nakapamasada sa syudad. May ibang tsuper na kumikita na lamang ng ₱100 sa isang araw na pamamasada dahil sa bagong pakana.

AB: 2-araw na tigil-pasada laban sa bagong mga ruta, ilulunsad sa Iloilo