Kasong ‘graft and corruption’ laban sa mga upisyal ng DOTr at LTFRB, pinamamadali

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagpiket ang grupong Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) sa upisina ng Ombudsman sa Quezon City noong Marso 13 para itulak ang kasong graft and corruption na isinampa nila noong Pebrero 7 laban sa mga upisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Office of Transport Cooperatives (OTC). Kasabay nito, nagsumite rin ang grupo ng isang liham sa Ombudsman para humingi ng impormasyon hinggil sa kaso.

Lubhang dismayado sila sa mabagal na pag-usad ng mga kasong isinampa nila noon pang nakaraang taon sa Korte Suprema at ngayon naman sa Ombudsman.

Sa limang-pahinang reklamo ng Manibela, pinangalanan nito sina DOTr Secretary Jaime J. Bautista, Office of Transport Cooperatives (OTC) Chairman Ferdinand Ortega, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III at Solicitor General Menardo Guevarra bilang mga inaakusahang lumabag sa “Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa hindi pagbibigay ng wastong proseso para sa mga drayber at dyip nang isinagasa nito ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Nagsumite rin ng reklamo ang Manibela hinggil sa nangyaring pag-tsekpoynt at pagmamanman ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP) sa kasagsagan ng kanilang asembliya at selebrasyon na isinagawa sa Lemery, Batangas noong Pebrero 24 at 25.

“Ubos talaga diesel namin. Gutom, pagod. Yung mga bata iyakan nang iyakan. Kami lang po yong mismong hinaharang ng mga pulis,” pagbabahagi ni Michael Cabral, pangulo ng MANIBELA Novaliches-Blumentritt, sa panamayan sa Manila Today.

Sunud-sunod na siyam na tsekpoynt ang dinaanan ng mga dyip ng Manibela kung kaya tumagal nang halos 12 oras ang naging byahe nila mula Batangas tungong Maynila. Pitong jeep ng grupong Manibela ang walang batayang hinarang sa mga tsekpoynt.

“Hinold kami sa mga tsekpoynt. Pinikturan ang aming sasakyan, ang aming mga drayber, lisensya, mga Official Receipt (OR) and Certificate of Registration (CR) at ipinapadala through messenger sa kung sinu-sinong mga tao. Sobrang abusado at purong harassment ang ginawa sa amin,” ayon kay Mar Valbuena, presidente ng Manibela, sa panayam sa Manila Today.

Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang pagpupulong at aktibidad ng Manibela at ng Piston (Pagkakaisa Ng Mga Samahan Ng Tsuper At Operator Nationwide) kaugnay ng kanilang paglaban sa nakaambang implementasyon pa rin ng PUVMP.

Noong Marso 9, nagsagawa ng konsultasyon sa mga opereytor ang Piston. Kinuha nila ang palagay at upinyon ng mga opereytor na napilitang magpakonsolida bunsod ng takot at pangamba sa pagkawala ng kanilang kabuhayan.

“Binabandera pa rin ng LTFRB na nagtatagumpay daw ang PUVMP pero ang di nila inaamin, maraming operator ang napilitan lang at pinilit lang mag-consolidate. Ang hindi sinasabi ng LTFRB, ang consolidation ay pang-aagaw sa indibidwal na prangkisa ng mga operator para ipasa sa mga malalaking kooperatiba at malalaking korporasyon,” pahayag ng PISTON.

AB: Kasong 'graft and corruption' laban sa mga upisyal ng DOTr at LTFRB, pinamamadali