2 namartir na mandirigma ng BHB-Masbate, pinarangalan
Binigyang parangal at pagsaludo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) ang dalawa sa mga mandirigma nito na namatay sa isang engkwentro sa 2nd IB noong Abril 17 sa hangganan ng Barangay Miabas, Palanas at Barangay Libertad, Cawayan sa Masbate. Ayon kay Ka Luz del Mar, tapagsalita ng yunit, hindi matatawaran ang ipinakitang katapangan nina Kasamang Giovanni at Kasamamg Jigs.
Nagpaabot ng pakikidalamhati sa mga pamilya at kamag-anak ng dalawang martir ang BHB-Masbate. “Titiyakin ng BHB-Masbate na hindi mawawalan ng saysay ang pag-alay ng buhay hindi lang ng mga bagong bayani na sina Ka Giovanni at Ka Jigs kundi ng lahat ng martir at bayani ng buong rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya,” ayon kay Ka Luz.
Dagdag pa niya, ang walang pag-iimbot nilang pagsisilbi sa bayan at ang pag-alay ng buhay upang ipagtanggol ang masa at kasama ay habampanahon nang mananatiling nakaukit sa mga puso ng lahat ng mga Pulang mandirigma at masa.
Samantala, dalawa ang napatay sa hanay ng berdugong 2nd IB at isa ang nasugatan sa labanan. Dahil sa pinsala sa hanay nito, walang habas na nagpaputok ng baril ang mga sundalo ng 2nd IB kahit pa wala na ang kanilang kalaban na yunit ng BHB-Masbate sa lugar ng insidente.
Hindi rin pinayagan ng militar na magbakwit sa mga sentro ng baryo o kalapit na barangay ang mga residente na nakatira malapit sa lugar na pinangyarihan ng labanan. Sa halip, isinailalim ang mga residente sa matinding interogasyon.