Balita

2 residenteng kontra pangangamkam ng lupa sa Rizal, inaresto

,

Kinundena ng Katipunan ng Samahang Magbubukid (Kasama)-Rizal ang pag-aresto sa dalawang residente ng Sityo Rawang, Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal noong Agosto 29. Ang mga biktima na kinilala bilang sina Jessa at Jennifer Tapel ay inaresto dahil sa kanilang pagtindig, kasama ang komunidad, sa pangangamkam ng lupa ng pamilyang Chua-Tan at Sta. Lucia Corporation sa erya.

Sa isang pahayag noong Setyembre 3, inianunsyo ng Rizal Police Provincial Office ang pag-aresto sa dalawang biktima. Pinalalabas ng mga pulis na warrant of arrest ang dalawa para sa kasong Annulment of Deed of Absolute Sale and Cancellation na inilabas noong Agosto 15 ng Regional Trial Court Branch 79 sa Morong, Rizal.

Nakakulong ang dalawa sa istasyon ng pulis sa Tanay. Nagkakahalaga ng ₱5,000 ang pyansa para sa pansamantala nilang paglaya.

Sa ulat ng mga residente, ilang ulit nagpabalik-balik sa nagdaang mga linggo ang mga kinatawan ng korporasyon para sukatin ang lupa na balak nitong agawin. Anila, walang maipakitang malinaw na dokumento ang korporasyon at hindi nagsagawa ng konsultasyon o dayalogo sa mga magsasaka.

Para palabasing ligal ang pang-aagaw sa lupa, sapilitang pinapirma ng korporasyon ang kapitan ng Barangay Tandang Kutyo para maglabas ng permit para isagawa ang pagsusukat. Tinakot ang kapitan na sasampahan ng kaso kung hindi susunod.

“Huwag naman po sana kaming nakawan ng karapatan, huwag ninyong alisin ang karapatan naming mabuhay,” pahayag ni Fernando Tapel Sr, magsasaka sa Sityo Rawang. Si Tapel Sr ay ama ng dalawang inaresto ng mga pulis.

Mula pa 1965 naninirahan at nagbubungkal ng lupa ang mga magsasaka sa Sityo Rawang. Dito sila kumukuha ng gulay at iba’t ibang pananim na siyang tumutustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

“Kayo pong mga landgrabber, mga negosyante, mga malalaki… tigilan niyo na ang pang-lalandgrab ng lupa. Awa na po kaming maliliit, huwag ninyong patayin ang aming hanapbuhay,” panawagan ni Tapel Sr.

Sa kasalukuyan, patuloy na nagbabantay ang mga armadong gwardya at ahente sa paniktik sa paligid ng Sityo Rawang. Mayroong mga magsasakang hindi makauwi sa kanilang tahanan dahil sa pangamba na sila ay damputin. Pinipinsala din nito ang kabuhayan at kapanatagan ng mga magsasaka.

AB: 2 residenteng kontra pangangamkam ng lupa sa Rizal, inaresto