Balita

2 sundalo, kinasuhan ng Red-tagging sa Panay

,

Dalawang sundalo na nakatalaga sa Panay ang sinampahan ng administratibong kaso ng mga upisyal ng Bagong Alyansang Makabayan-Panay noong Disyembre 20, 2024. Nagsampa ng kasong “grave misconduct” sina Bayan secretary-general Elmer Forro at Bayan-Aklan spokesperson Kim-Sin Tugna laban kina Staff Sergeants Nathan dela Cruz at Ernel Mallan ng 3rd ID-3rd Civil-Military Operations Battalion.

Ang isinampang kaso tungkol sa malisyosong pag-uugnay ng dalawang sundalo sa dalawang lider-aktibista sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa programa sa radyo ng militar na “Spearhead Times” sa isang lokal na istasyon. Paulit-ulit na niredtag ng dalawa ang mga progresibo sa pagitan ng Mayo hanggang Oktubre noong nakaraang taon.

Ani Forro at Tugna, ang paulit-ulit na pangreredtag sa kanila ng mga sundalo ay labag sa sibil at pulitikal nilang mga karapatan at nagsasapanganib sa kanilang mga buhay, kalayaan at seguridad. Ang pagkilala sa Red-tagging bilang panganib ay inilinaw ng Korte Suprema noong nakaraang taon sa kaso ni Seigfred Deduro, isang aktibista na nakabase rin sa Panay.

“Ang kultura ng paninira at panggigipit ay lumampas na sa berbal na mga atake,” ayon sa Bayan-Panay sa isang pahayag. Anito, nagsasagawa ang yunit militar sa ilalim ng 3rd ID ng mga sarbeylans at nagkakalat ng lagim sa mga komunidad ng Panay sa pamamagitan ng pagdeploy ngmga sundalo sa mga sibilyang komunidad.

AB: 2 sundalo, kinasuhan ng Red-tagging sa Panay