2 tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Quezon, sinampahan ng kasong "terrorism financing"

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Defend Southern Tagalog ang tinawag nitong gawa-gawang kaso na isinampa laban sa dalawang kabataang tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Quezon ngayong Abril. Ayon sa grupo, napag-alaman nila noong Abril 8 na mayroong mga kasong kriminal na paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 na isinampa laban kina Paul Tagle, tagapagsalita ng Tanggol Quezon, at Fritz Labiano, koordineytor ng Kabataan Partylist sa prubinsya.

Noong pang Pebrero 23 naglabas ang Department of Justice ng resolusyon ng paunang imbestigasyon na nagrerekomenda na sampahan ng kaso ang dalawa.

“Walang kaalam-alam sina [Tagle] at [Labiano] na mayroong inihain na mga reklamo laban sa kanila, wala kaming natanggap na subpoena o pabatid para sa paunang imbestigasyon,” pahayag ng Defend Southern Tagalog.

Paliwanag ng grupo, ang isinampang kaso laban sa dalawa ay pumapatungkol sa isang insidente ng kanilang pagtulong sa mga bilanggong pulitikal na sina Rowena Dasig at Miguela Piniero noong Hulyo 2023. Sa pahayag ng Kabataan Partylist Quezon, inaakusahan ng 85th IB ng “terrorism financing” ang dalawa matapos sinabing nagbigay ng ₱500 at pagkain sa mga bilanggong pulitikal.

Sina Dasig at Piniero ay inaresto ng 85th IB noong Hulyo 12, 2023 sa Purok Banaba, Barangay Caridad Ibaba, Atimonan, Quezon. Lumutang lamang ang mandamyento de aresto laban sa kanila, at anim na iba pa, noong Hulyo 18, 2023 sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act.

Noo’y nagsasagawa sila ng pagsisiyasat sa epekto ng planong itayo na cycle gas turbine power project at liquefied natural gas terminal plant sa naturang lugar. Ang proyekto na itatayo ng Atimonan One Energy, Inc. (A1E), subsidyaryo ng Meralco PowerGen Corp, ay magkakaroon ng matinding epekto sa mga magkokopra at mangingisda sa bayan ng Atimonan.

“Ang mga kaso laban kina [Tagle] at [Labiano] ay panibagong desperadong tangka ng mga pwersa ng estado, partikular ang 85th IB, para patahimikin ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at itulak tayong ihinto ang ating gawaing pagseserbisyo sa mga inaapi,” paliwanag ng Defend Southern Tagalog.

Nanindigan ang grupo na ang pagbibigay ng tulong sa mga bilanggong pulitikal ay hindi isang teroristang gawain o isang krimen.

Liban sa pagtulong kina Dasig at Piniero, ang dalawang kabataang tagapagtanggol ng karapatang-tao ay tumutulong rin sa iba pang mga bilanggong pulitikal. Nagsilbi rin silang mga kabahagi sa mga humanitarian mission at fact-finding mission sa prubinsya ng Quezon na nagsisiwalat sa mga krimen at paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng 85th IB at iba pang pwersa ng estado.

AB: 2 tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Quezon, sinampahan ng kasong "terrorism financing"