3 bata, 2 kabataan, naiulat na napatay sa pambobomba ng AFP sa Occidental Mindoro
Iniulat ng National Democratic Front (NDF)-Mindoro noong hapon ng Enero 4 ang pagkamatay ng tatlong batang Mangyan at dalawang kabataang estudyante dulot ng walang patumanggang pambobomba at istraping ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1. Isa pang sibilyan ang lubhang nasugatan.
Nauna nang ibinalita ng NDF-Mindoro na isa sa mga namatay ang kabataang mananaliksik na si Jerlyn Rose Doydora dahil inatake ng kanyang sakit sa kasagsagan ng pambobomba ng AFP. Ayon sa NDF-Mindoro, napahiwalay at naiulat na napatay sa pambobomba ang isa pang kabataang mananaliksik.
Dalawang araw matapos ang pambobomba, natagpuan ng taumbaryo ang bangkay ng tatlong batang Mangyan na namatay. Natagpuan din ang kanilang ina na sugatan.
Pinasisinungalingan nito ang ipinipilit ng 203rd IBde na para sa kapakanan ng masang Mindoreño ang pambobomba sa Barangay Cabacao, ayon sa NDF-Mindoro.
Ang dalawang nasawing kabataan ay kabilang sa grupong nagpaabot sa NDF-Mindoro ng mahigpit na kahilingang makipanayam at makadaupang-palad ang mga magsasaka, katutubo, at ang Bagong Hukbong Bayan. Nais nilang alamin ang kalagayan ng mga masasaka at katutubo at kung bakit tinatahak nila ang armadong paglaban.
Ayon sa NDF-Mindoro, hawak ng mga pwersa ng AFP ang bangkay ni Doydora at inilalayo sa imbestigasyon ng humanitarian mission ng grupong Karapatan-Southern Tagalog (ST) mula pa Enero 3. Ang tim ng Karapatan-ST ay dumaranas ng pagmamanman at panggigipit sa kamay ng pulis at militar.
Muli namang nanawagan ang NDF-Mindoro sa lahat ng mga nagtataguyod ng karapatang-tao at mga grupong sibiko na tulungan ang pamilya ni Doydora at ng isa pang kabataan na makuha ang kanilang bangkay upang mabigyan ng disenteng burol at libing. Hinimok din ng NDF-Mindoro ang mga grupo na itulak ang pagkakamit ng hustisya sa pagkamatay ng tatlong batang Mangyan-Iraya at pagkasugat ng kanilang ina.
Samantala, napinsala rin ng pambobomba at pang-iistraping ng AFP ang kabuhayan ng mga katutubo at magsasaka sa lugar. Naiulat ang pagkamatay ng hindi bababa sa dalawang baka at tatlong baboy dulot ng pambobomba. Napilitan namang lumikas sa komunidad ang 188 pamilya na kinabibilangan ng 769 na katao na nagbakwit sa Cabacao High School. Liban dito, may 15 pamilya o 59 na katao naman ang lumikas at pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.
“Nararapat na tulungan ang pamilya’t komunidad ng mamamayang ng Abra De Ilog na naging biktima ng pambobomba ng 203rd Brigade at 2nd IDPA hanggang mabigyang hustisya ang kaawa-awang sinapit nila,” ayon kay Ma. Patricia Andal, tagapagsalita ng NDF-Mindoro. Itinutulak ng NDF-Mindoro ang pagbubukas ng isang humanitarian corridor upang matulungan ang mga biktima ng terorismong militar.
“Dapat nang wakasan ang umiiral na de facto Martial Law sa Mindoro at hayaang ang sibilyang awtoridad at kapangyarihan ng mamamayan ang maghari sa isla,” panawagan ni Ka Ma. Patricia.