3rd SFB, muli na namang nanalasa sa Lianga

Limang magsasaka ang pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 3rd SFB, 9th company sa ilalim ni Army Captain Agoña noong Enero 24, 2023 alas-8 ng umaga sa Sityo Emerald, Diatagon, Lianga, Surigao del Sur. Nasawi rito si Danny Malinao, 48 taong gulang, residente ng naturang lugar.

Dinala sa sentro ng sityo ang labi ni Malinao. Troma at takot naman ang idinulot ng panghahasik ng militar sa apat pang nakaligtas.

Ayon sa ulat, hindi namalayan ng mga magsasaka ang presensya ng mga sundalo sa lugar. Laking gulat na lang nila nang pagbabarilin sila habang nag-aani ng mga gulay.

Pinabulaanan naman ni Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng NPA-Surigao Del Sur, ang kasinungalingan ng AFP na engkwentro ang naganap. Ayon kay Ka Sandara, walang yunit ng NPA sa naturang lugar sa panahong iyon.

Hinihikayat ni Ka Sandara ang mga nakaligtas na biktima na isiwalat ang karumaldumal na paglabag ng AFP sa kanilang karapatang-tao. “Huwag ninyong hayaang ilibing na lang sa limot    ang mga brutal na pagpatay sa mga sibilyan na walang kalabanlaban,” ani Ka Sandara.

Hinimok din nito ang mga taong midya at mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao na tumulong sa pag-imbestiga sa naturang insidente upang ipabatid sa publiko at mapanagot ang mga berdugong salarin.

Hindi na bago ang ganitong pangyayari sa Lianga. Dahil sa mahigpit na pagtutol ng mamamayan rito sa mapangwasak na mina at mga proyekto, militar ang kasangkapan upang dahasin at supilin sila. Ang militar ang nagsilbing gwardya at tagahawan ng daan ng naglalaway na mga kapitalistang korporasyon.

Sariwa pa sa alaala ng mga residente rito ang masaker noong Hunyo 15, 2021 kung saan pinatay ang tatlong Lumad-Manobo na si Willy Rodriguez, Lenie Rivas at ang 12-anyos na si Angel Rivas; masaker noong Setyembre 1, 2015 na ikinasawi nina Emerito Samarca (ALCADEV Executive Director), Dionel Campos at Datu Bello Sinzo. Hanggang ngayon, mailap pa rin ang hustisya.

AB: 3rd SFB, muli na namang nanalasa sa Lianga