Balita

Pagkakatalaga ng kontra-katutubong lider ng NCIP sa pamunuan ng NTF-Elcac, kinundena

,

Mahigpit na binatikos ng progresibong grupo ng mga katutubo ang anunsyo ng National Task Force (NTF)-Elcac nitong Hunyo na itinalaga bilang kapwa tagapangulo ng isang klaster nito ang kontra-katutubong tagapangulo ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na si Nancy Alaan Catamco. Ayon sa Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, muling pinatunayan ni Catamco ang pagiging taksil sa mga katutubo sa pagkakatalaga sa NTF-Elcac.

“Sa halip na ipagtanggol ang aming mga karapatan at lupang ninuno, pinili niyang ihanay ang NCIP sa isang ahensyang kilala sa panggigipit at panunupil sa mga komunidad ng Katutubo,” pahayag ni Beverly Longid, pambansang convenor ng Katribu. Anang grupo, higit lamang ding inilantad ng hakbang ang NCIP bilang isang instrumento ng panunupil ng estado at pandarambong ng mga pribadong korporasyon.

“Sa pagtangap sa pusisyon, tahasang inihahatid ni Catamco ang mga tagalabag sa karapatan ng mga katutubo sa mismong mga komunidad na sinasabi niyang kanyang ipinagtatanggol at pinaglilingkuran,” dagdag ni Longid.

Ang klaster ng NTF-Elcac na pamununuan ni Catamco ay ang Sectoral Unification, Capacity Building, Empowerment, and Mobilization (SUCBEM). Kasama niyang mamumuno dito si National Anti-Poverty Commission (NAPC) Lead Convenor Secretary Lope Santos III. Ang bagong klaster ay parte rin ng pagpapatupad ng rehimeng Marcos sa National Action Plan for Unity, Peace and Development.

Ayon sa Katribu, walang katotohanang gagamitin ang klaster sa pagpapaunlad at pagbibigay boses sa mga komuninad. Anito, ginagamit ng NTF-Elcac ang mga salitang “grassroots,” partisipasyon, at pagbibigay boses para itago ang tunay na katangian ng programa.

“Ngunit batid ng karanasan ng mga komunidad ng katutubo kung ano ang hatid ng NTF-Elcac: Red-tagging at paninira, intimidasyon, pagmamanman, panghaharas, pinatinding operasyong militar, gawa-gawang mga kaso, sapilitang pagpapalayas at maging pamamaslang na isinasagawa sa ngalan ng kontra-insurhensya,” ayon kay Longid. Ang NTF-Elcac rin umano ang humahawan ng landas para sa pagpasok ng mapangwasak na mga mina, dam, plantasyon at iba pang mga proyektong banta sa lupang ninuno.

Dagdag ni Longid, ang pagkakatalaga kay Catamco ay naganap rin sa panahong agresibong itinutulak ng rehimeng Marcos ang malalaking proyekto ng renewable energy at ang inisyatibang Pax Silica ng US na nakatuon sa pagmimina sa kritikal na mineral. “Ang pagkakatalaga ni Catamco sa NTF-Elac ay hindi isang tagumpay para sa mga katutubong mamamayan [kundi] isang malaking sakuna na maghahatid ng mas malaking pahirap sa ating mga komunidad,” ayon pa kay Longid.

Sa harap nito, muling nanawagan ang Katribu na buwagin ang NCIP at ang NTF-Elcac.

AB: Pagkakatalaga ng kontra-katutubong lider ng NCIP sa pamunuan ng NTF-Elcac, kinundena