4 na berdugong sundalo ng 203rd IBde, kaswalti sa mga aktibong depensa ng BHB-Mindoro
Hindi bababa sa apat na sundalo ng 203rd IBde ang kaswalti sa aktibong depensa ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) sa mga operasyong strike na isinagawa ng militar sa San Jose, Occidental Mindoro at Mansalay, Oriental Mindoro noong Pebrero 11. Ligtas na nakaatras ang mga yunit ng Pulang hukbo mula sa lugar ng labanan.
Sa Sityo Kalinisan, Barangay Bayutbut, San Jose, nakapagtanggol ang mga Pulang mandirigma laban sa umaatakeng pwersa ng 68th IB. Ayon sa ulat ng yunit, nagsasagawa ang mga Pulang mandirigma ng pagsisiyasat sa kalagayan ng mga katutubo at magsasaka sa bayan ng San Jose. “Maagap na nalaman ng BHB ang papalapit na kaaway kaya epektibo itong nakapagsagawa ng aktibong pagdepensa na puminsala sa dalawa sa umaatakeng tropa,” ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro.
Sa tulong at suporta ng masa ay mahusay na nakapagmaniobra ang yunit. Wala pang isang oras matapos nito, aktibong nakadepensa rin ang yunit ng BHB-Mindoro laban sa operasyong panggap at paglusob ng 4th IB sa Sityo Tignuan, Barangay Teresita, Mansalay. Naagaw ng BHB ang inisyatiba sa labanan kung saan dalawa ang kaswalti sa umaatakeng kaaway.
Nagpanggap na mga Pulang mandirigma ang mga pasistang sundalo upang linlangin ang isang residente ng Sityo Tignuan at matapos ay pinilit na giyahan sila sa kanilang operasyon.
“Lubusang kinukundena ng BHB Mindoro ang panlilinlang ng mga sundalo ng AFP sa mga sibilyan at sapilitang pagpapagiya sa mga ito sa kanilang operasyon,” pahayag ni Ka Madaay. Aniya, tahasan itong pagsasapanganib sa buhay ng sibilyan na labag sa internasyunal na makataong batas. Dagdag pa niya, palagiang ginagawa ng AFP ang pagpapanggap sa mga sibilyan bilang Pulang mandirigma bilang taktika. Nagbuo pa ang AFP ng espesyal na yunit para dito na tinawag nitong Special Warfare Group o SWAG.
Sa harap nito, pinaalalahanan ni Ka Madaay ang masang Mindoreño na mag-ingat laban sa kontra-mamamayang taktikang ito ng AFP. “Patunay ang magkasabay na labanan sa mataas na diwa at kapasidad panlaban ng BHB-Mindoro. Ito’y sa kabila ng largadong kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimeng US-Marcos II sa isla,” determinadong pahayag ni Ka Madaay.
Dagdag ni Ka Madaay, isang malaking sampal sa mukha ng 203rd IBde at ni Marcos mismo na ilang ulit nang nagpapahayag na “iilang demoralisadong at disorganisadong mandirigma” na lamang ang nalalabi sa BHB-Mindoro.