4 na magtutubo sa Batangas, inaresto ng pulis

Inaresto ng mga pulis nang walang mandamyento de aresto ang apat na magtutubo na kasapi ng Pagkakaisa ng Manggagawang Bukid sa Tubuhan (PAMATU) sa Barangay Tumalim, Nasugbu, Batangas nitong Miyerkules, Hulyo 3. Iniulat ang naturang insidente ng grupong Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR)-Batangas kahapon.

Ayon sa SUGAR-Batangas, ang apat na biktima ay sina Felix Cailing Diraya, 53 taong gulang, Francis Joshua Diraya (20), Efren Panganiban (51), at Lanie Villa Diraya (48). Isa sa apat ay kinilalang pangulo ng Pamatu-Tumalim.

Iligal na inaresto ang apat na mga magtutubo sang-ayon sa kasong ‘Diraya vs Evangelista’ kaugnay ng karapatan sa paggawa at panirikan sa lupa na nakasampa sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Nasugbu Municipal Trial Court (Nasugbu MTC).

“Iligal na dinampot ng Philippine National Police-Nasugbu sa tulungan ng pamilyang Evangelista ang apat kahit walang court order o warrant na inisyu para rine,” ayon sa SUGAR-Batangas.

Giit ng grupo, kinakamkam ng pamilyang Evangelista ang lupa at pilit na pinalalayas ang mga lokal na manggagawang bukid. Paliwanag nila, nakapagsumite ng “motion to dismiss” kaugnay ng kaso ang mga Diraya sa municipal trial court ngunit wala pa itong resolusyon.

Kindunena ng grupong SUGAR ang iligal na pagdampot ng pulis sa mga kapwa nila magtutubo sa Barangay Tumalim. Anila, dapat kagyat na palayain ang apat na inaresto at kilalanin ang kanilang mga karapatan.

AB: 4 na magtutubo sa Batangas, inaresto ng pulis