4 na pang-atakeng helikopter, ipinagmalaki ng AFP
Ipinagmalaki kamakailan ng Armed Forces of the Philippines ang apat nitong T-129 “Atak” helikopter na binili sa Turkey noong nakaraang taon. Dumating sa bansa ang unang dalawang helikopter noong Marso 9, 2022 at dalawa pa noong Nobyembre 24, 2022. May dalawa pang nakatakdang ideliber sa bansa sa 2024. Nagkakahalaga ang anim ng ₱13.8 bilyon. Hindi isinapubliko kung saan idineploy ang unang apat na dumating na.
Ayon sa AFP, ang mga helikopter na ito ang “sasalubong” sa Bagong Hukbong Bayan sa taong 2023. Armado ito 20mm na Gatling type na kanyon na maaaring makapagpakawala ng 500 rounds at rocket launcher (70mm) na pwedeng magpakawala ng mga misayl na air-to-air at air-to-ground. May kakayahan itong umatake sa lahat ng klase ng kundisyon ng panahon, araw man o gabi. May nakakabit itong high resolution na infrared camera, laser range finder, laser spot tracker, day TV camera at spotter TV camera. Maari itong manatili sa ere sa loob ng dalawa’t kalahating oras, bago kakailanganing lumapag at magkarga ng gasolina.
Tulad sa ibang air asset ng militar, gagamitin ang mga ito sa walang pakundangang kampanya ng pambobomba sa mga sakahan at kagubatan.
Kalokohang pagbibilang
Kabalintunan ang pagmamayabang ng AFP kaugnay sa mga helikopter na ito, at ang pagwawaldas ng pera ng bayan para rito, sa paulit-ulit na deklarasyon nitong “mahina na” ang BHB. Noon lamang Disyembre 2, 2022, ipinagmayabang ng AFP na mayroon na lamang 22 larangang gerilya ang BHB mula sa diumano’y 89 noong 2016 at na lima na lamang sa mga ito ang aktibo. “Mahinang-mahina” na diumano ang 19, at lima na lamang ang dapat “pagbuhusan ng atensyon.” (Mas marami pa ang biniling helikopter.) Ipinagmayabang naman ng NTF-Elcac noon pang Abril 2022 na halos 24,000 nang mga myembro at tagasuporta ng BHB ang “sumurender” sa nakaraang anim na taon.
Kasabay ng mga pahayag na ito, sinabi ni Bartolome Baccaro, hepe ng AFP, noong Nobyembre 2022 na mayroon pang 2,112 myembro at 1,800 pang armas ang BHB.
Kinutya ang mga kabulastugan ng AFP sa isang pahayag ng Partido noong Disyembre 28, 2022. Ayon kay Marco Valbuena, chief information officer, kung paniniwalaang may “natitira” na 22 larangan ang BHB at pantay na hatiin ang “natitirang mandirigma’ sa mga prenteng ito, magkakatoon ng di bababa sa 96 na mandirigma o isang kumpanya ang bawat isa. Kung ipagpalagay naman na tig-isang platun na lamang ang sinasaing “mahihinang larangan” at hatiin ang natitirang bilang sa “aktibo” pa, lalabas na mayroong 218 mandirigma ang kada isa. Malayo ito sa pilit na pinalalabas ng AFP na “mahina” na ang kilusan.
Sa gayon, ang tanging malinaw ay ang kawalang kredibilidad ng AFP bilang mapagkukunan ng wastong impormasyon kaugnay sa PKP at BHB. Ang mga numerong inilalabas nito ay lagi’t laging walang batayan at nagsisilbi lamang sa sarili nitong adyenda.