Labis-labis na ang paglilibre ng ligal na tulong sa mga sundalo at pulis

Tinawag ni Hose Deputy Minority Leader at ACT Rep. Frances Castro na kalabisan ang pagkapasa ng House Bill 6509 o ang Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel sa Kongreso noong Enero 22. Ang panukalang ito ay magbibigay ng libreng ligal na representasyon para labanan ng mga sundalo, pulis at iba pang armadong pwersa ng estado para sa pagharap nila sa mga kasong isasampa sa kanila ng mamamayan.

Saklaw nito ang lahat ng mga kasong kriminal, sibil at administratibo na may kaugnayan sa kanilang trabaho. Ibig sabihin, kung nakapatay ang isang sundalo o pulis, agad siyang bibigyan ng mga abugado na babayaran ng gubyerno. Kabilang dto ang maraming kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, iligal na pang-aaresto, pang-aabuso at iba pang karapatang-tao.

“Dati nang sobra ang mga bentahe na ibinibigay sa mga militar at unipormadong personnel,” aniya. “Sila na nga ang mga may hawak ng baril, sila na nga ang mayroong maraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao, sila pa ang bibigyan ng libreng legal assistance,” ayon kay Castro. Marami sa mga paglabag sa karapatang-tao ay may kaugnayan sa kanilang trabaho dahil ang mga ito ay nagmumula sa mga kontra-mamamayang patakaran ng gubyerno.

“Lamang na lamang na talaga ang ating mga military and uniformed personnel. Napakabilis na ngang nadoble ang kanilang mga sweldo, bibigyan pa sila ng higit na proteksyong legal sa pamamagitan ng libreng legal-assistance na taumbayan ang mag-subsidize,” aniya.

“Kung ano ang available sa mga unipormado, dapat ito ay available din para sa mga sibilyan. Wala dapat espesyal o mas mataas na pagtatangi para sa mga unipormado,” dagdag pa niya. Ipinaalala niya na matagal nang itinutulak ng mga guro ang Teacher Protection Act na magtatanggol sa mga guro at iba pang mga manggagawa sa sistema ng edukasyon laban sa mga malisyosong akusasyon. Higit dito, matagal nang iginigiit ng mga guro na itaas ang kanilang sweldo, na hanggang ngayon ay nananatiling isa sa pinakamababa sa lahat ng mga empleyado ng gubyerno at mga prupesyunal.

AB: Labis-labis na ang paglilibre ng ligal na tulong sa mga sundalo at pulis