Pahayag

Itakwil ang mersenaryong tradisyon ng AFP, humanay at makiisa sa inaapi’t pinagsasamantalahang mamamayan

 

Sa mga kawal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP),

Walang dapat ipagdiwang sa ika-87 taong anibersaryo ng inyong pasistang institusyon na AFP. Ang kasaysayan ng inyong institusyon ay kasaysayan ng pagpapakatuta sa imperyalismo, paggiging bayaran sa pagtatangol ng interes ng mga lokal na naghaharing uring panginoong maylupa (PML) at malalaking burgesya komprador (MBK) at pangyuyurak sa karapatan ng mamamayang Pilipino. Sa buong pag-iral ng AFP-PNP, winaldas nito ang buhay at katalinuhan ng mga kabataang Pilipino na pumasok dito sa pamamagitan ng pasistang indoktrinasyon ng estado.

Wala kayong maipagmamalaki dahil tigmak sa dugo ng ating mga ninuno at sambayanan ang inyong mga kamay. Kayo ang pangunahing nagpapatupad ng kontra-rebolusyonaryong gera na nagreresulta sa milyun-milyong kaso ng paglabag sa karapatang tao. Isang kabalintunaan ang motto ninyong “protecting the people, securing the state” dahil kayo mismo ang banta sa seguridad ng masang Pilipino. Ang tunay ninyong pinagsisilbihan at pinoproktektahan ay ang amo ninyong imperyalismong US, MBK, PML . Nasisikmura ninyong sumunod sa inyong commander-in-chief na pamilyang Marcos at Duterte na napatunayang siyang pinakamalaking mandarambong at mamamatay tao sa kasaysayan ng papet na republika ng Pilipinas. Pumayag kayong maging mga halimaw at hayok sa dugo sa ngalan ng kakarampot na sahod. Nasaan ang dangal sa pagiging mersenaryong tuta ng mga mananakop at mapagsamantala?

Grabeng kabulukan ang inabot ng inyong institusyon na pangita sa pang-aatake sa mga walang kalaban-laban at sibilyan, kabilang na ang mga bata. Sa Timog Katagalugan pa lamang, naitala ang apat na kaso ng pagpatay ng AFP sa mga sibilyan sa ilalim ng rehimeng Marcos II, kabilang ang kaso ng 9-taong batang babae na si Kyllene Casao sa Batangas at 14-taong batang lalaki sa Oriental Mindoro nito lamang Hulyo. Pinakamasaklap, hindi ninyo inamin ang inyong mga krimen at pinagtatakpan pa ito na lalong nagbubudbod ng asin sa sugat ng mga kapamilya ng mga biktima. Hindi lubos maisip ng bayan kung paano ninyo naatim ito.

Ipokrito ninyong tinatatakang “terorismo” ang makatarungang digma ng mamamayan pero kayo itong nagwawasiwas ng brutal na kampanyang panunupil. Paano ninyo nasisikmurang manganyon, mambomba at mang-istraping sa mga komunidad ng sibilyan? Kinakaya ninyong gumastos ng napakamahal na pondong kinulimbat sa mamamayan at ginagamit nyo laban sa kanila sa halip na bigyan nyo sila ng ayuda?

Tuluyan na ba kayong nabulag kaya hindi na ninyo nakikita ang grabeng kahirapan ng mamamayan?

Marahas ninyong sinusupil ang makatarungang pakikibaka ng mamamayan sa kabila nang marami sa inyo’y galing sa mga pinakadustang uri ng manggagawa at magsasaka. Hindi ba’t ang kanilang ipinaglalabang tunay na reporma sa lupa, nakabubuhay na sahod at kabuhayan, magkaroon ng disenteng tirahan at pamumuhay ay ninais nyo ring makamtan? Buksan ninyo ang inyong mga mata at pakinggan ang hinaing ng masa. Lehitimo ang paglaban ng bayan para sa lupa, sahod, kaseguruhan sa trabaho, karapatan sa panirikan, pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa pambansang soberanya.

Kumikita nang napakalaki ang mga military industrial complex ng US at iba pang mga imperyalistang bansa sa mga makabagong kagamitang pandigma na binibili mula sa pondo ng bayan ngunit siyang ginagamit upang atakehin din ang mamamayang Pilipino. Nagpapakasiba ang inyong mga heneral sa pondo ng bayan habang nagdarahop ang karamihan, kabilang kayong mga karaniwang kawal, inyong mga pamilya’t kamag-anak. Hinahangad ng inyong mga opisyal na makakopo ng malalaking pakinabang sa mga kasunduang militar, maramihang pasuko at huwad na mga proyektong pangkaunlaran para sa malalaking kikbak hindi para sa inyo kundi para busugin ang sarili nilang bulsa.

Dapat ninyong pag-aralan ang tunay na kasaysayan ng AFP para maunawaan ang mersenaryo ninyong tradisyon. Kalokohan ang itinuro sa inyong kasaysayan ng AFP. Hindi ito nakaugat sa rebolusyonaryong samahang binuo ni Andres Bonifacio na Kataas-taasan, Kagalang-galangang mga Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Ang Katipunan ay isang rebolusyonaryong pwersa na lumaban sa mga dayuhang kapangyarihan at nagtanggol sa mamamayan laban sa pang-aapi, pagsasamantala at pandarahas noong kolonyalismong Spain hanggang sa pananalakay ng imperyalismong US. Isinulong ng Katipunan ang isang pambansa demokratikong rebolusyon para makamit ang kalayaan at demokrasya.

Sa kabilang banda, ang AFP-PNP ay nabuo sa balangkas ng digmang mapanakop ng imperyalismong US sa Pilipinas mula 1898 hanggang 1915 at matapos ang muling pananakop ng imperyalismong US sa Pilipinas matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Sinubaybayan mismo ng US ang pagkakatatag nito matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ginawa itong upahang armadong pwersa na magiging sunud-sunuran sa US. Kalakaran ito ng mga dayuhang mananakop na pagrerekluta ng Pilipino upang supilin ang paglaban ng kapwa Pilipino. Ang tunay ninyong ninuno ay ang Gwardya Sibil na itinayo ng kolonyalismong Espanyol; Philippine Scouts at USAFFE ng imperyalismong US; at ang Ganaps at papet na Konstabularyo ng pasistang Japan. Ang mga pwersang ito ang pinantapat sa mamamayan, mga Katipunero, kina Andres Bonifacio, Heneral Antonio Luna, Heneral Gregorio del Pilar, Macario Sakay, Hukbalahap at ngayon ay sa CPP-NPA-NDFP at sambayanang Pilipino na magiting na nakikibaka laban sa pananakop ng mga dayuhan kasabwat ang mga lokal na mga traydor at mapagsamantalang naghaharing uring MBK, PML at burukratang kapitalista upang makamit ng bayang Pilipinas ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Pangita ang pagpapakatuta ng mga pinuno ng AFP sa pagdalaw ni US Vice President Kamala Harris upang patatagin ang kontrol sa bayan sa balangkas ng pagtitiyak sa solong hegemonya ng US sa Indo-Pasipiko. Kumakawag pa ang buntot ng matataas na heneral ng AFP at commander-in-chief nito na si Ferdinand Marcos Jr. na handang tanggapin ang malaking pondo ng US sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino. Dahil dito, hindi malayong maipit ang Pilipinas at malagay sa panganib ang buhay ng mamamayan sa gitna ng matinding girian ng dalawang nagriribalang imperyalistang US at China. Higit sa lahat, kayong mga kawal ay malamang na magiging pambala sa kanyon sakaling pumutok ang gera, kagaya ng ginawa ng US sa mga gerang agresyon nito sa Vietnam, Korea, Iraq, Afghanistan at iba pa na ang pinakahuli ay ang nagaganap na gyerang US/Ukraine vs. Russia.

Ngayon ang panahon para gisingin ang tunay ninyong diwang makabayan. Hangga’t nasa teroristang institusyong AFP, hindi kayo makakapaglingkod sa bayan bagkus kayo ang kanilang kinatatakutan at kinamumuhian bilang mga berdugo at taksil sa bayan. Hinahamon kayo ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog na itakwil ang AFP, ang papet, mersenaryong tradisyon at pasistang indoktrinasyon nito. Hinihikayat namin kayong lisanin ang pasista-terorista ninyong institusyon at piliing tunay na maglingkod sa sambayanan. Makiisa sa hinaing ng bayan at makibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Tularan ninyo ang mga naliwanagan at namulat na sundalo ng AFP na sina Gen. Jarque* at Lt. Crispin Tagamolila na tinalikuran ang AFP, nagpanibagong-hubog at sumapi sa NPA. Mahigpit silang nagpuna at humingi ng kapatawaran sa kanilang pagkakasangkot sa mga krimen ng pasistang AFP habang nasa serbisyo. Buong puso silang tinanggap ng NPA at niyakap ng mamamayan.

Hinihikayat din naming kayong pumaloob at paramihin pa ang lihim na selulang Lt. Crispin Tagamolila Movement (LCTM) sa loob ng AFP-PNP. Dapat pangunahan ng LCTM ang pag-aaral sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino at ang pakikiisa sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino, maging ng mga karaniwang sundalo para sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Hinahangad naming pumanig kayo sa mamamayan at maging bahagi ng paghahawan ng landas tungo sa isang tunay na masagana, mapayapa, demokratiko at makatarungang lipunan. Hindi pa huli ang lahat.

Para sa tunay na paglilingkod sa bayan
Armando Cienfuego, Tagapagsalita
Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog

___

* Si Gen. Jarque ay namulat sa kaharasan ng mabangis na kontra-rebolusyonaryong oplan Thunderbolt laban sa mamamayan ng Negros. Hindi niya naatim ang pasismo at kabuktutan ng AFP kaya tinalikuran niya ito kasama ang ilang tauhan at pumanig sa rebolusyon. Nagsilbi siyang konsultant ng NDFP hanggang mamatay. Si Lt. Tagamolila ay tumalikod sa AFP, sumapi sa NPA at naging martir ng rebolusyonarynong pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos I. Pinarangalan siya at isinunod sa kanya ang pangalan ng rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga makabayang sundalo at pulis.

Itakwil ang mersenaryong tradisyon ng AFP, humanay at makiisa sa inaapi’t pinagsasamantalahang mamamayan