Sundalo, naghuramentado sa loob ng kampo; 5 patay

Limang sundalo ang napatay sa loob mismo ng hedkwarters ng 4th ID sa Camp Evangelista, Barangay Patag, Cagayan de Oro City kahapon, Pebrero 11, ala-1:10 ng madaling araw nang mag-amok ang isang sundalo.

Kinilala ang mga napatay na sina Sgt. Rogelio Rojo Jr (29), Cpl. Bernard A. Rodrigo (31), Pvt. Joseph A. Tamayo (38) at si Pfc. Prince Kevin C. Balaba habang sugatan si Ssg. Braulio E. Macalos Jr. (43). Kinilala ang naghuramentado bilang si Pvt. Johmar A. Villabito (35). Napatay siya matapos agawin sa kanya ang kanyang armas at barilin siya ng kapwa niya sundalo.

Ayon sa isang upisyal ng kampo, posible diumanong dumaranas ng PTSD o post traumatic stress disorder si Villabito. Madalas ding dumaranas ang mga sundalo sa reaksyunaryong hukbo kapag tinatamaan ng mga opensiba ng Bagong Hukbong Bayan at mga armadong grupong Moro.

Iginiit ng mga upisyal ng AFP na “isolated case” o bihirang mangyari ang ganitong mga kaso. Gayunpaman, nagaganap ang mga pagpaslang, brutalidad at iba pang pang-aabuso ng mga sundalo sa kapwa nila sundalo sa iba’t ibang mga kampo. Noong Setyembre 29, 2020, napatay si SSgt. Joefrey Turqueza habang sugatan naman si SSgt. Vivencio Raton nang pagbabarilin sila ng kanilang kasamahan na si Airman 2nd Class Christopher Lim. Nakipagpalitan si Raton ng putok na ikinasugat naman ng suspek. Naganap ang insidente sa loob ng Philippine Military Academy, Fort Gregorio del Pilar, Baguio City. Namatay rin hapon nang araw na iyon ang namaril.

Noong Agosto 2, 2021, nauwi sa pamamaril ang alitan ng dalawang kasapi ng CAFGU sa loob mismo ng kanilang kampo sa Sityo Tublijon, Barangay Rizal, West District, Sorsogon City.

Kadalasang pinagmumulan ng alitan ang labis na pang-aabuso ng mga upisyal sa ordinaryong mga sundalo. Lalong matingkad ang pag-abuso sa mga tauhan ng CAFGU. Kulang na kulang na nga ang sinasahod, nagmistula pa silang punching bag, utusan, tagalinis ng sapatos, tagasalo ng pang-aalimura at pain sa mga operasyon ng kanilang mga upisyal.

Kung ganito kasahol ang mga sundalo sa kapwa nila sundalo, mas masahol pa ang ginagawa ng mga asong ulol na ito sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo. Saanman sila mapadpad, takot at ligalig ang kanilang hinahasik, sa lupa man o himpapawid.

Sa isang kaso, pitong sibilyan ang natamaan nang mag-amok ang isang lasing na sundalo na sakop ng 72nd IB sa Barangay Calapaton, Kitaotao, Bukidnon noong Oktubre 17, 2021. Matapos ang pamamaril, kinuyog ng mga residente ang sundalo at pinagbubugbog.

AB: Sundalo, naghuramentado sa loob ng kampo; 5 patay