4 na riple, isang pistola, nasamsam ng BHB-Northern Negros

Inambus ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros ang kontra-insurhensyang yunit ng Philippine National Police (PNP) na nagpapatrolya sa Sityo Calanugan, Barangay Minapasuk, Calatrava, Negros Occidental noong Agosto 9. Nasamsam sa kanila ang apat na ripleng armas, isang .45 kalibreng pistola at mga bala.

Sa ulat ng yunit ng BHB, lulan ng sasakyang pampatrolya ang 10 pulis ng Calatrava Municipal Police Station, kabilang ang deputy police chief nito na si Capt. Jesus Alba. Napatay ang isang pulis at nasugatan ang tatlong iba pa sa ambus.

Tiniyak ng hukbong bayan ang kaligtasan ng mga sibilyang lulan ng isang canter truck at sasakyang pang-reskyu na kasunod ng sasakyang pampatrulya ng pulis. Anila, gumamit sila ng command-detonated explosive (CDX) at inasinta ang pagpapaputok sa direksyon ng mga pulis. Sa takot, nagsitakbuhan ang mga elemento ng PNP at hindi na nakaganti ng putok.

Ilang oras bago nito, pinatawan ng parusang kamatayan ng BHB-Northern Negros ang dalawang intel at aset paniktik ng mga sundalo sa Sityo Batyogon, Barangay Minapasuk. Tugon ito ng BHB sa matagal nang reklamo ng mamamayan laban sa dalawa na aktibong katuwang ng mga pasistang sundalo sa panggigipit sa mga sibilyan at mga gawaing anti-mamamayan at kontra-rebolusyonaryo.

AB: 4 na riple, isang pistola, nasamsam ng BHB-Northern Negros