5-araw na welga at protestang manggagawa ng Starbucks sa US, matagumpay
Makasaysayan ang paglahok ng mga manggagawa ng Starbucks sa US sa limang araw na piket at welga na pinangunahan ng Starbucks Workers United (SBWU) mula Disyembre 20 hanggang bisperas ng pasko. Tugon ang pagkilos sa “unfair labor practice” o hindi patas na pagtrato sa trabaho at paggigiit ng makatarungang kasunduan sa collective bargaining agreement (CBA). Ang Starbucks ay isang restoran na kilala sa pagbebenta ng inuming kape.
Nagsimula ang welga sa mga restoran ng Starbucks sa Los Angeles, Seattle at Chicago. Noong Disyembre 24, huling araw ng welga, lumahok ang 5,000 manggagawa sa higit 300 restoran ng Starbucks sa US, ayon sa SBWU. Kinakatawan ng SBWU ang higit 11,000 manggagawa sa 525 restoran ng Starbucks sa 45 estado at District of Columbia sa US.
Layunin ng mga manggagawa sa Starbucks na itulak ang kumpanya na maghapag ng “komprehensibong alok sa ekonomya” sa negosasyon. Anang SBWU, dapat itaas ang sahod ng mga manggagawa tungong pinakamababang $20 kada oras at mas mataas pa sa mga lugar na mas mataas ang halaga ng pamumuhay. Dapat din umanong magkaroon ng 5% pagtataas ng sahod kada taon.
Liban dito, ipinaglalaban ng unyon na dapat saklawin ng CBA ang kinakailang “cost of living adjustments,” plano sa pagreretiro, mas maayos na iskedyul sa pagtatrabaho, mas maunlad na bayad na bakasyon (paid leave), suportang pangkalusugan at iba pang benepisyo.
Itinuring ng SBWU na “malaking insulto” ang huling alok ng kapitalista sa negosasyon na walang kagyat na pagtataas ng sahod para sa kanila at tanging 1.5% dagdag sahod ang ibibgay sa kanila sa darating na mga taon.
Panawagan din nila na itigil na ng kapitalista ang pagpigil sa mga manggagawa nito na sumali at magtayo ng unyon sa bawat restoran. Itinutulak din ng SBWU na resolbahin ng Starbucks ang 150 reklamo hinggil sa “unfair labor practice” kabilang ang mga tanggalan at hindi sapat na mga trabahante sa restoran.
Bumwelo ang laban ng mga manggagawa sa Starbucks nang maitayo ang kauna-unahang unyon sa kumpanya noong Disyembre 9, 2021 sa Buffalo, New York. Sa tuluy-tuloy na pagdami ng unyon, naitulak nila ang Starbucks na pumasok sa negosasyon noong Abril. Hindi bababa sa siyam na beses ng pakikipagtawaran ang naisagawa ngayong taon ayon sa Starbucks.
“Nakikipaglaban tayo para [sa mga karapatang ito] sa panahong tila mas pinapaboran ng Starbucks ang pagbabayad sa CEO nitong si Brian Niccol nang hanggang $113 milyon [kada taon],” pahayag ng SBWU. Naupo bilang bagong hepe ng kumpanya si Niccol noong Setyembre.
Ayon sa isang nagwelgang manggagawa sa Oregon, “ang mga welgang ito ay paunang pagpapakita ng lakas, at nagsisimula pa lang tayo.” Inaasahang magtutuluy-tuloy ang paglaban ng mga manggagawa ng Starbucks sa darating na mga buwan hanggang makamtan ang isang makabuluhang kasunduan.