5 gwardyang pangkampus ng UP-Diliman, iginiit na ibalik sa trabaho
Nagprotesta ang mga gwardya sa ilalim ng Samahan ng Nagkakaisang Guardia ng University of the Philipines Diliman (SNG UPD) at kanilang mga tagasuporta noong Setyembre 9 sa loob ng kampus para ipanawagan ang pagbabalik sa limang gwardyang iligal na tinanggal matapos palitan ang ahensyang nangangasiwa sa kanila. Ang lima ay hindi na isinama ng bagong ahensya na Grand Meritus Security Agent Inc dahil sa kanilang paglahok sa protesta ng mga gwardya at SNG UPD sa nagdaang mga taon.
Tinanggal sa trabaho noong Setyembre 1 sina Johny Azusana, upisyal sa ugnayan panlabas ng SNG UPD at tagapagsalita ng grupo, at apat pang iba. Ito ay sa kabila ng kumpleto nilang mga papeles at rekomendasyon ng mga Dekano/Dekana, Administrative Officer (AO), at Building Administrator (BA) ng erya sa kampus na kanilang pinagtrabahuan.
“Expect ko naman na [tatanggapin ako dahil] wala akong violations at may recommendation naman mula sa dekano ng aming building. Siguro dahil … ako’y isang namuno sa samahan,” ayon kay Azusana, 27 taon nang gwardya sa UP-Diliman, sa isang panayam ng Philippine Collegian.
Inalok si Azusana ng ahensya ng trabaho ngunit plano siyang italaga labas sa UP Diliman, bagay na kanyang tinanggihan dahil nakatira sila ng kanyang pamilya sa loob ng kampus.
Ayon sa UP Workers’ Alliance malinaw na walang kahit anong nilabag ang mga gwardya sa mga panuntunan ng bagong ahensya. “Sila ay mga biktima ng pang-aabuso ng kapangyarihan at diskriminasyon dahil sila ay mga myembro ng SNG UPD. Naitatag ang [samahan] tatlong taon na ang nakararaan upang labanan ang mga abusadong security agency. Minsan na rin silang nagkampo sa ilalim ng puno ng balete sa likod ng Quezon Hall sa loob ng halos 90 araw, upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan,” anang grupo.
Sa ulat ng Philippine Collegian, pahayagan ng mga estudyante sa Diliman, mahigit 40 na gwardya ang tinangkang sisantehin ng ahensya pero naigiit ng samahan at iba pang unyon sa kampus na ibalik sila sa trabaho, liban sa limang pinangalanan. Nagsumite na rin ng sulat ang SNG UPD sa upisina ng tsanselor ng UP Diliman para itulak ito na kumbinsihin ang ahensya na ibalik sila sa trabaho.
“Kami ay naninindigan at nananawagan sa pamunuan na ibalik sa serbisyo ang [limang gwardya], upang muli silang makapaglingkod sa pamantasang kanilang minahal at pinaglingkuran ng mahigit dalawang dekada,” pahayag pa ng UP Workers’ Alliance.