Balita

Mga estudyante ng UP, muling nanawagan ng hustisya para sa pagkamatay ni Kristel Tejada

,

Nagprotesta ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP) sa kampus sa Manila at Los Baños noong Marso 14 para muling manawagan ng hustisya sa pagkamatay ng kapwa iskolar ng bayan na si Kristel Tejada. Si Tejada ay isang baguhang estudyanteng mula UP Manila na biktima ng “No Late Payment Policy” ng unibersidad at kinitil ang sariling buhay noong Marso 15, 2013.

Nagpatiwakal si Tejada matapos napilitang itigil ang kanyang pag-aaral dahil hindi makapagbayad ng ₱10,000 matrikula para sa semestre. Kumukuha siya noon ng kursong BA Behavioral Science. Ang ama ni Tejada sa panahon ng kanyang pagkamatay ay isang part-time na taxi driver na sumusuporta sa kanilang apat na magkakapatid.

Kabilang sa mga nanawagan ng hustisya ang UP Office of the Student Regent, Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP), at UP Solidaridad. “Isa lamang si Kristel sa libu-libong estudyanteng naging biktima ng sistematikong problema sa edukasyon na isang malinaw na manipestasyon ng isang bulok at represibong sistema,” ayon sa pinag-isang pahayag ng tatlong institusyon.

Anila, ang patuloy na umiiral na neoliberal na sistemang pang-edukasyon sa bansa ang hindi makatarungang bumibiktima sa mga estudyante at kabataang Pilipino. “Hanggang ngayon, nananatiling hadlang ito para sa isang abot-kayang sistema na karapat-dapat makamit ng mga mag-aaral,” ayon sa pahayag.

Bagaman natatamasa ng mga estudyante ng UP sa kasalukuyan ang bunga ng matagalang pakikibaka para sa libreng edukasyon, nananatiling suliranin nila ang kakulangan ng badyet at kaltas-pondo sa unibersidad. Ngayong 2025, babawasan ng ₱2.08 bilyon ang badyet ng UP, mula ₱24.77 bilyon patungong ₱22.70 bilyon.

Sa buong bansa, makararanas ng mahigit ₱1.055 trilyong kaltas-pondo ang mga state universities and colleges (SUC). “Pinalalala ng budget cuts na ito ang kasalukuyang mga suliraning kinakaharap ng mga estudyante sa pamantasan katulad ng kakulangan sa pasilidad at silid-aralan, pati na rin ang hindi aksesibleng basic student services,” ayon sa pahayag.

Kasabay ng pagkakaltas sa pondo ang tumitinding komersyalisasyon sa loob ng unibersidad anila. Sa kampus ng UP sa Diliman, Quezon City, itinayo ang DiliMall, isang pribadong negosyo na pupwestuhan ng PowerMac, UCC, Robinsons at iba pang mga hayok-sa-tubong malalaking negosyo.

Ang patakaran sa komersyalisasyon ay ipinatutupad sa harap ng malaking kakulangan sa mga pasilidad para sa kaguruan, espasyo para sa mga estudyante at mga gusali para sa akademikong pangangailangan ng komunidad.

“Naniniwala kami na dapat walang kabataang naiiwan sa isang bulok na sistema at na dapat patuloy na ipaglaban at ipanawagan na ang edukasyon ay para sa lahat at kinakailangan na maging aksesible sa masang Pilipino lalong lalo na ang mga nasa laylayan,” ayon sa pahayag.

AB: Mga estudyante ng UP, muling nanawagan ng hustisya para sa pagkamatay ni Kristel Tejada