Balita

50 obispo, nakiisa sa panawagan ng maliliit na mangingisda

,

Nakiisa ang 50 obispo ng Simbahang Katolika sa panawagan ng maliliit na mangingisda laban sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa pangingisda ng malalaking kumpanya sa municipal waters. Kabilang sa mga ito si Cardinal Pablo Virgilio David, obispo ng diocese ng Caloocan at presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

“Kung magiging pinal at magkabisa ang desisyon ng Korte, haharap ang maliliit na mga mangingisda… sa tagibang at di makatarungang kumpetisyon sa mga komersyal na mangingisda,” pahayag ng mga obispo. Lalo silang masasadlak sa gutom, kahirapan at pagkawala ng kabuhayan at tirahan, anila. Tinawag ng mga obispo na “kasakiman” ang pang-aaagaw ng malalaking kumpanya sa rekurso ng maliliit na mangingisda.

Pinapatungkulan ng mga obispo ang resolusyon ng Korte Suprema na kumatig sa desisyon ng Malabon Regional Trial Court pabor sa petisyon ng Mercidar Fishing Corporation, isang malaking kumpanya sa pangingisda, para pahintulutan itong mangisda sa municipal waters. Saklaw ng municipal waters ang karagatang nasa loob ng 15 kilometro mula sa baybay, liban pa sa mga mga katubigan sa lupa kabilagn ang mga ilog, batis, lawa at iba pa.

Mabilis itong kinontra at kinundena ng mga mamamalakaya. Ayon sa Pamalakaya, wawasakain nito ang kabuhayan ng halos 2 milyong mangingisda na nakaasa sa maliitan at relatibong atrasadong pangingisda sa municipal waters. Sasairin ng malalaking kumpanya ang rekursong dagat at pipinsalain ng mga ito ang karagatan ng kanilang malalaking barko na madalas gumagamit ng mapanirang mga kagamitan.

Hinimok ng simbahan ang mga mananampalataya na makiisa sa pagtatanggol sa “kabanalan ng likha ng Diyos at dignidad ng mga mangingisda.” Dapat anilang gawing prayoridad ng mga gumagawa ng patakaran ang “komun na tirahan” ng sangkatauhan at itaguyod ang sustenableng karagatan.

Inilabas ang pahayag noong Pebrero 1 sa isang press conference, at babasahin sa lahat ng simbahan sa Luzon, Visayas at Mindanao, ngayong araw, Pebrero 2.

AB: 50 obispo, nakiisa sa panawagan ng maliliit na mangingisda