6 sa 10 nanalong party-list, hindi kumakatawan sa mahihirap—Kontra Daya
Noong Mayo 19, pinangalanan ng Comelec ang 54 grupong party-list na nakakuha ng sapat na boto para sa makapagpaupo ng mga kinatawan sa Kongreso. Pero ayon sa Kontra Daya, mayorya sa mga partido at grupong ito ay hindi kumakatawan sa mahihirap at walang boses na mga sektor ng lipunan.
Sa datos ng grupo, 38 sa mga kinatawan ng mga nanalong party-list ay mula sa mga dinastiya sa pulitika, malalaking negosyo, o may koneksyon sa militar/pulisya. Kumakaharap din ang mga grupong ito sa nakabinbing kaso ng korapsyon, may kahina-hinalang mga adbokasiya, o kulang o walang sapat na impormasyon.
Hindi bababa sa 22 ang mga party-list na may kaugnayan sa dinastiya sa pulitika. Samantala, mayroong siyam na may kaugnayan sa malaking negosyo at apat naman ang kunektado sa pulis at militar.
Marami ang pumupuna sa pagkapanalo ng mga maanomalyang grupong ito dahil taliwas ito sa layunin ng sistemang party-list na itinutulak ng konstitusyong 1987.
“Hindi ito ang diwa ng party-list system. Panahon na para busisiin, baguhin, at itama ang batas para tunay na magsilbi ito sa layunin ito,” ayon sa Bayan Muna, isa sa unang party-list na naitatag.
Ayon kay Danilo Arao ng Kontra Daya, dapat manawagan ang mga Pilipino sa ika-20 Kongreso na magtulak ng isang kontra-dinastiyang batas at amyendahan ang batas sa party-list para magamit ito para tunay na katawanin ang mga mahihirap at walang boses. Dagdag pa niya, dapat nang matigil ang pag-hijack ng mayayaman at makapangyarihan sa sistemang party-list.