Balita

7 Pulang mandirigma na namartir sa Kabankalan City, pinarangalan

Binigyang-pugay at pagsaludo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) ang pitong Pulang mandirigma nito na namatay sa armadong labanan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Abril 27 ng umaga sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental. Ayon kay Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng panrehiyong kumand, napaslang ang Kabankalan 7 habang ginagampanan ang “ginintuang tungkulin ng patuloy na pagsusulong sa armadong pakikibaka, pagpapalawak sa baseng masa at agraryong rebolusyon sa isla.”

Ang pitong namartir ay sina Reniel Locsin Cellon (Ka Randy), Mary Jane Magquilat (Ka Shonie), Charity Amacan (Ka Mayang), Johnrey Mejares (Ka Jai), Glenda Tinio Mejares (Ka Glendyl), Ka Pitong, at Dee Supelanas (Ka Dahlia). Si Supelanas ay dating lider estudyante ng University of the Philippines (UP)-Cebu. Tatlo sa mga martir ay mga senior citizen at mayroong kundisyong medikal na dahilan ng kanilang kahirapan na makakilos.

Nasa lugar ang yunit ng BHB erya para sa kampanyang pag-aaral at propaganda sa masa. Ayon kay Ka Maoche, layunin ng mga Pulang hukbo na maipalaganap at maipaintindi sa mga mamamayan ang tunay na epekto ng mga mapanirang proyekto ng mga malalaking burgesyang komprador at mga panginoong maylupa tulad ng malawakang pagmimina, pagtatanim ng oil palm, at iba pa na sumisira sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.

Dagdag pa niya, pangunahin sa kanilang kampanya ang pagsusulong ng pagtaas ng sahod at pagkakamit ng mga benepisyo para sa mga manggagawang-bukid, pagtutol sa malalaking operasyon sa pagmimina, edukasyon laban sa dinastiyang pulitikal sa nalalapit na eleksyon, at pagbibigay-kaalaman tungkol sa karapatang-tao batay sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Kasama rin sa kampanyang inilunsad ang pagtutol sa proyektong plantasyon ng palm oil sa bayan ng Candoni na matatagpuan sa mga barangay ng Gatuslao, Agboy, at Payauan.

“Sa ganitong paraan, mapagbubuklod ang kanilang lakas at tinig laban sa mga mapang-abusong may kapangyarihan at yaman,” ayon kay Ka Maoche. Ito umano ang dahilan kung bakit sinuong ng Kabankalan 7 ang mga sakripisyo at inialay maging ang kanilang buhay.

Aniya, ang paninindigan ng mga rebolusyonaryong namartir para ipagtanggol ang inaapi at pinagsasamantalahan upang makamit ang karapatan sa lupa, kabuhayan, buhay, at kapayapaan na nakabatay sa demokrasya ay naging matibay na pundasyon sa pag-usbong ng armadong rebolusyon.

“Maaaring mapatay ang mga rebolusyonaryo ngunit ang rebolusyon ay magpapatuloy,” pagdidiin ni Ka Maoche. Ani Legislador, patuloy na dadaloy ang dugo ng Kabankalan 7 sa marami pang rebolusyonaryo na uusbong mula sa hanay ng malawak na masa at hahalili sa kanila bilang mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB.

Nagbigay-pugay rin ang Partido Komunista ng Pilipinas sa Kabankalan 7. Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, ang pitong martir ay itatanghal sa kasaysayan bilang mga tunay na bayani at mabubuting anak ng bayan, at dadakilain dahil sa kanilang walang pag-iimbot na paglilingkod sa masang Pilipino.

“Tiyak na marami ang tutulad sa kanilang halimbawa na buong-tapang na niyakap ang buhay na puno ng sakripisyo at pasakip para kamtin ang hangarin ng bayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya,” ani Valbuena. “Ang ningning ng kanilang kadakilaan ay magbibigay-inspirasyon sa laksa-laksang magsasaka at manggagawang-bukid, mga manggagawa at kabataan mula sa Negros at buong kapuluan.”

Nagpaabot ng pakikiramay ang Partido at BHB-Negros Island sa mga pamilya, kaibigan at mga kasama ng Kabankalan 7. “Habang nagluluksa, gamitin ninyo itong pagkakataon para higit na pandayin ang rebolusyonaryong diwa, bilang paraan ng pagkakamit ng hustisya sa ating mga martir,” ayon kay Valbuena.

AB: 7 Pulang mandirigma na namartir sa Kabankalan City, pinarangalan