74-gulang na maysakit na bilanggong pulitikal sa Iloilo, giit na palayain
Nanawagan ang Panay Alliance Karapatan at Kapatid Panay na kaagad palayain ang 74-gulang na maysakit na bilanggong pulitikal na si Tomas Dominado. Si Dominado ay inaresto noong Disyembre 5 sa Barangay Sooc, Arevalo, Iloilo City sa mga kasong pagpatay at rebelyon na isang dekada nang isinampa sa korte.
Si Dominado ay nakaligtas sa stroke noong nakaraang taon, nakaratay na sa kama at nakasalalay lamang sa nag-aalaga sa kanya para makakilos gamit ang wheelchair ayon sa mga grupo. Dagdag pa nila, dumaranas siya ng altapresyon, heart enlargement, neurological deficits, at iba pang seryosong isyung medikal at ang pagkukulong sa kanya ay makapagpapalala sa kanyang kalagayan.
“Kailangan niya ng kagyat na interbensyong medikal na hindi sapat na maibibigay sa mga pasilidad ng detensyon,” ayon sa kanila. Liban pa dito, naninindigan silang ang pag-aresto sa kanya ay bahagi lamang ng walang tigil na kampanya ng panunupil laban sa mga kritiko ng gubyerno. Si Dominado, isang matagal nang aktibista, ay asawa ng desaparesido na si Ma. Luisa Posa-Dominado.
Para maghabi ng kwento, pinalabas ng mga pwersa ng estado na nakumpiska mula sa kasama ni Dominado ang baril at mga bala na dahilan para kasuhan siya ng illegal possession of firearms and ammunition. Sinampahan rin siya ng kasong “terorismo” o paglabag sa Anti-Terrorism Act dahil sa pagbibigay ng suportang materyal sa umano’y teroristang organisasyon, at mga kasong pagtatago sa pangunahing akusado, at obstruction of justice.
“Mahigpit kaming naninindigan na ang mga kaso laban sa kanila ay walang batayan, gawa-gawa at may pulitikal na motibo, na nagpapakita ng sistematikong maling paggamit sa prosesong hudisyal para patahimikin ang mga aktibista,” pahayag ng dalawang organisasyon. Karugtong umano ito ng mahabang listahan na ng mga katulad na insidente ng pag-aresto at matagalang pagkukulong sa mga aktibista at kritiko ng gubyerno.
Hinimok nila ang mga demokratikong organisasyon na makiisa sa kanilang panawagan na ibasura ang mga kaso laban sa dalawa at kagyat silang palayain.