Balita

Kampanyang pagdalaw sa mga bilanggong pulitika, inilunsad

,

Mula Abril hanggang Hulyo, sunud- sunod na dinalaw ng mga progresibong grupo, boluntir at nagtataguyod sa karapatang tao, ang mga political prisoners sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 685 ang mga bilanggong pulitikal sa bansa, 172 dito ay iligal o arbitraryong inaresto sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Karamihan sa kanila ay mga magbubukid at organisador ng mga magsasaka. Pinangunahan ng Karapatan ang kampanya ng pagdalaw.

Sa Cagayan Valley, dinalaw ng mga paralegal ng Karapatan ang mga bilanggong pulitikal noong Abril upang alamin ang updates sa mga sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanila at kumustahin ang kanilang kalagayan. Nasa 21 ang mga bilanggong pulitikal sa rehiyon – lahat ay mula sa sektor ng mga magsasaka at mga tagapagtaguyod ng kanilang karapatan.

Sa Occidental Mindoro, binisita ng mga myembro ng Karapatan at Hustisya ang mga bilanggong pulitikal sa isla noong Mayo. Nasa 22 ang mga bilanggong pulitikal sa Occidental at Oriental Mindoro – lahat ay biktima ng mga gawa-gawang kaso.

Sa Southern Mindanao, dinalaw ng mga myembro ng Karapatan National Office at Southern Mindanao Chapter, Health Action for Human Rights, and the Union of People’s Lawyers in Mindanao noong Hunyo ang mga bilanggong pulitikal na nakadetine sa Caraga and Soccsksargen upang kamustahin ang kanilang kalagayan at istatus ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanila. May hindi bababa sa 127 na bilanggong pulitikal sa naturang mga rehiyon.

Sa Ilocos Sur, dinalaw ng mga dating kaklase ni Dr. Ana Rilloraza mula sa UP Manila College of Medicine Class of 1993, at mga kaibigan mula sa “Free Ana! Free Marc! Campaign si Doc Ana sa Ilocos Sur Provincial Jail sa bayan ng Bantay. Kasabay nito, naglunsad sila ng libreng pagpapatingin sa mga bilanggo. Matapos ang mga konsultasyong medikal, ibinahagi ni Doc Ana ang kanyang pagkakaaresto kasama ang pito pa, na kilala bilang Cordillera 8. Ibinahagi rin niya ang kanyang mga pagninilay tungkol sa buhay sa loob ng detensyon.

Sa Muntinlupa, dinalaw ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, boluntir, at mga paralegal ang mahigit 30 bilanggong pulitikal sa New Bilibid Prison. Inorganisa ang bisita ng grupong SELDA, samahan ng mga dating bilanggong pulitikal sa Pilipinas. Ang mga bilanggong pulitikal ay mula sa Cordillera, Central Luzon, Southern Tagalog, Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, at Southern Mindanao. Sila ay mga magsasaka, manggagawa, community organizer, aktibista, at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na ilang taon nang nakakulong matapos maparusahan sa mga kasong itinuturing na gawa-gawa lamang.

Ibinahagi ng mga bilanggong pulitikal sa mga bisita ang kanilang nagpapatuloy na mga laban sa korte, ang hirap na nararanasan nila sa kalagayan sa bilangguan, at ang matibay nilang pag-asa na balang araw ay muling makakamit ang kalayaan upang makasama silang muli sa pakikibaka ng sambayanan.

Sa Mandaluyong City, dinalaw rin ng mga grupo ang 10 bilanggong pulitikal sa Correctional Institure of Women. Inayos ang pagbisita ng Hustisya, organisasyon ng mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng paglabag sa karapatang tao.

Nagkaroon ng tawanan at iyakan habang kinukwento ng mga bilanggong pulitikal ang kanilang mga pakikibaka at tagumpay sa loob ng kulungan. Lahat sila ay kasalukuyang nag-aaral sa pamamagitan ng ALS at iba pang programa sa piitan. Ang isa sa kanila ay sumali sa isang pageant, habang ang iba ay gumagawa ng mga keychain mula sa beads at ginantsilyo na mga bulaklak para may mapagkakakitaan.

AB: Kampanyang pagdalaw sa mga bilanggong pulitika, inilunsad