8 kaso kaugnay sa pagnanakaw ng mga Marcos sa pondong coco levy, ibinasura ng Sandiganbayan
Walong kaso na may kaugnayan sa pagnanakaw ng pamilyang Marcos at kanilang malalapit na kroni sa pondong coco levy noong panahon ng diktadurang Marcos Sr ang magkakasunod na ibinasura ng Sandigangbayan ngayong Disyembre.
Unang ibinasura ang Sandigangbayan ang dalawang kaso noong Disyembre 6 kaugnay sa paggamit ni Ferdinand Marcos Sr, asawa niyang si Imelda, at dating kroni na si Eduardo Cojuangco Jr, sa pondong coco levy para bumili ng mga sapi ng United Coconut Planters Bank (UCPB), gayundin ng mga sapi ng San Miguel Corp. (SMC). Ang pagbabasura ay bunga ng resolusyon ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) noong Hulyo 15 na nagsasabing hindi na nito itutuloy ang paghahabol sa mga kaso para ilipat ang mga sapi sa UCPB at SMC sa gubyerno ng Pilipinas. Sa madaling salita, iniatras ng estadong pinamumunuan ng isang Marcos ang kaso laban sa kanila.
Ibinasura ang natitirang anim na kaso noong Disyembre 16 sa pagdadahilang “sobrang pagkabalam” ng pagdinig nito. Ang anim na kaso ay may kaugnayan sa paggamit ng pondo para magtayo ng mga kumpanya; buuin at patakbuhin ang “proyektong Bugsuk,” bilhin ang kumpanyang Pepsi-Cola, igawad ang mga utang at kontrata sa pinaborang mga kroni at marami pang iba. Unang isinampa ang mga kaso noong 1987. Sa loob ng apat na dekada, sadyang hindi inasikaso ng mga abugado ng estado ang mga kasong ito.
Pinatunayan ng pagbabasura ng mga kasong ito ang “brutal na pagbaliktad ng kasaysayan,” (cruel twist of history) na dati nang kinatakutan ng mga magniniyog. Ayon sa Commission on Audit noong 2022, nasa ₱115 bilyon na ang pondong coco levy at ₱111.3 bilyon naman ang halaga ng mga ari-arian na binili gamit ang pondo.
Nang unang umupo sa pwesto si Marcos Jr, sinabi na ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na muli na namang mapapasakamay ng kanyang pamilya ang buong pondong coco levy.
Ilang araw bago bumaba sa pwesto, pinirmahan ng noo’y presidente na si Rodrigo Duterte ang Executive Order 172 na bumuo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan at nagpailalim sa pondong coco levy sa Department of Agriculture. Agad na itinalaga ni Marcos Jr ang sarili bilang kalihim ng kagawaran para kopohin ang ₱75 bilyong pondong nakapaloob dito. Hanggang ngayon, wala pa ni isang sentimo ang naipamahagi rito sa mga magniniyog.