Ahenteng paniktik ng AFP, pinalalabas na naarestong Pulang mandirigma sa Negros Occidental

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar si Eliseo Velarmia Along sa Hacienda Tresing, Barangay Andres Bonifacio, Cadiz City, Negros Occidental noong hapon ng Marso 9 sa kasong pagpatay. Si Along ay isang ahenteng paniktik ng Armed Forces of the Philippines pero pinalalabas na siya’y myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-North Negros. Sangkot diumano siya sa isang ambus noong Marso 7, 2011 sa Sityo Aluyan, Barangay Caduhaan, Cadiz City.

Pinasinungalingan ni Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-North Negros, ang paratang ng militar na iskwad lider ng BHB si Along. Aniya, “hindi aktibong kasapi ng kahit anong yunit ng BHB sa Northern Neros si Along…dati siyang kasapi ng BHB ngunit nag-AWOL (absence without leave) nang halos dalawang taon na ang nakalilipas…at kalaunan ay sumuko sa AFP at nagsilbing ahenteng paniktik nito.”

Ayon sa tagapagsalita, isang desperadong hakbang ng 79th IB ang pag-aresto kay Along at pagprisenta sa kanya sa publiko bilang iskwad lider. “Habol lang nila na palabasing nananalo sila.”

Dagdag niya, “hindi na kagulat-gulat ang desperasyong ito dahil sa kabiguan nitong durugin ang maliliit na yunit gerilya [ng BHB] gamit ang napakalaking superyor na pwersang militar na suportado ng mga air asset.”

Tulad ng sa ibang pagkakataon, ang pag-aresto kay Along sa bisa ng mandamyentong inilabas ng isang korte sa Cadiz City, ay nagpapamalas ng kawalang katiyakan at kaligtasan para sa mga “nagpapagamit” at “sumurender” na sa militar. Kasalukuyan siyang nakakulong sa istasyon ng pulis sa Cadiz City.

Samantala, itinanggi rin ng BHB-Northern Negros na sa BHB ang mga armas na diumano’y nasamsam at nahukay ng 79th IB sa Barangay Washington, Escalante City noong Marso 11. “Panibagong drama lamang ito ng 79th IB,” aniya.

Paliwanag pa niya, wala umanong imbakan ng armas ang yunit ng hukbo sa Northern Negros dahil lahat ng mga armas nito ay tangan ng mga Pulang mandirigma at lokal na pwersang milisya. “Sa katotohanan, kulang nga kami ng armas dahil sa dumaraming bilang ng mga magsasaka at kabataang sumasampa sa hukbo,” ayon pa sa kanya.

Ang mga arbitraryong pang-aresto, gawa-gawang mga engkwentro, walang target na pambobomba at panganganyon ng mga yunit militar ay “pagsunod” ng mga ito sa panibagong “dedlayn” ng AFP na gapiin ang armadong kilusan sa katapusan ng Marso, ang mga bertikal na yunit nito sa katapusan ng Hunyo, at ang buong BHB sa katapusan ng 2024. Itinakda ang bagong “dedlayn” matapos mabigo ang AFP na gapiin ang BHB sa katapusan ng 2023.

AB: Ahenteng paniktik ng AFP, pinalalabas na naarestong Pulang mandirigma sa Negros Occidental