Balita

AKAP, iba pang programang ayuda, binatikos

,

Binatikos ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (Tama Na) ang Ayuda sa Kapos sa Kita Program o AKAP na ipinanukala ng pamunuan ng Mababang Kapulungan sa pambansang badyet para sa 2025. Tinanggal ang pondo sa bersyon ng Senado pero ibinalik ng bicameral committee ang kalahati o ₱26 bilyon ng orihinal na halaga na ₱39 bilyon. Una itong tinutulan ng Senado dahil walang inilaan ang Kongreso para sa mga senador.

Sa pinal na bersyon ng panukalang badyet, inilaan ang ₱21 bilyon sa Kongreso, at ang ₱5 bilyon para sa Senado. Ibig sabihin, kung paghahatian ng lahat ng kongresista ang bahagi nito, pangangasiwaan ng bawat isang kinatawan ang P83 milyong pondo. Kung hindi bibigyan ang mga kinatawan ng party-list, tataas tungong ₱103 milyon ang mapupunta sa mga kinatawan ng distrito. Bagamat mas maliit ang nakalaan para sa Senado, aabot sa ₱208 milyon ang mapupunta sa bawat isang senador.

Sinasabing target ng AKAP na bigyan ng ayuda ang mga pamilyang mababa ang kita na apektado ng implasyon at iba pang sirkunstansya. Dagdag ito sa napakarami nang programang ayuda tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, Assistance to Individuals in Crisis Situations, TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, espesyal na pensyon para sa mahihirap na senior citizen, Sustainable Livelihood Program, Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients, at marami pang iba.

Unang inilusot ang AKAP sa badyet para sa 2024. Kabi-kabilang pagbatikos ang inani nito laluna sa unang hati ng taon nang mabunyag na ginagamit ang pondo para itulak ang charter change o chaha sa pamamagitan ng People’s Initiative.

Ayon sa Tama Na, ang AKAP at katulad na mga programang ayuda ay hindi naiiba sa naunang mga ginagamit ng mga kongresista at senador para sa sistemang padrino. Malaki ang papel nito sa pulitika lalupa’t paparating ang eleksyon. Sa nakaraan, lantarang ginagamit ang mga programang ayuda para ipansuhol sa mga kongresista at senador, at ipambili ng boto at impluwensya.

“Katulad ng 4Ps, ang AKAP at ibang katulad na ayudang programa ng gubyerno para pang-ahon sa kahirapan, ay nagmumukhang nagbibigay ng kinakailangang alwan sa naghihirap na mga pamilya. Pero ang reyalidad, ang mga programang ito ay nag-eengganyo ng pagiging palaasa imbes na nagbibigay ng kapangyarihan sa mamamayan para makamit ang pangmatagalang istabilidad,” ayon sa alyansa. “Sintomas ito ng isang sistema sa pulitika kung saan ang ayudang pinansyal ay ginagamit pang-impluwensya sa mahihirap imbes na paraan para sa tunay na pag-unlad.”

Ang tunay na kailangan ng mamamayan ngayon ay dagdag-sahod at mas maayos na trabaho, hindi subsidyo o ayuda, ayon sa alyansa. Pero imbes na ito ang atupagin, itinutulak ng Kongreso at Senado ng kani-kanyang mga programang ayuda, na walang iba kundi mga panandaliang remedyo.

Tinitiyak ng mga programang nagtataguyod ng sistemang padrino na manatiling nakaasa ang mamamayan sa mga pulitiko, at sa gayon ay nakapailalim sa kanilang kontrol, ayon sa Tama Na. Dapat, anito, basagin ang sistemang ito para wakasan ang korapsyon sa gubyerno.

Habang nakapagbibigay ng panandaliang alibyo ang mga subsidyo, hindi ito dapat ipampalit sa mga repormang panlipunan na nagtataguyod ng hustisyang pang-ekonomya, ayon sa alyansa.

AB: AKAP, iba pang programang ayuda, binatikos