Takbo kontra korapsyon, inilunsad sa UP Diliman
Umabot sa tinatayang 2,500 katao ang lumahok sa inilunsad na takbo para sa pananagutan laban sa korapsyon sa kampus ng University of the Philippines-Diliman (UPD) noong umaga ng Setyembre 7. Ang aktibidad ay pinangunahan ng UPD University Student Council, UPD College of Science Student Council (CSC) at UP Run Club.
Ayon sa mga organisador, ang pagkilos ay pagpapamalas ng kanilang kolektibong lakas at pagtutol sa korapsyon. Kaugnay ito ng sunud-sunod na pagkakalantad ng mga anomalya at katiwalian sa usapin ng mga proyektong flood control sa ilalim ng rehimeng Marcos, kasabwat ang mga kontratista at iba pang burukratang kapitalista.
Nagkabit ng mga istiker sa damit, nagbitbit ng mga panawagan at nagwagayway ng bandila ang mga kalahok sa aktibidad. Ayon sa UPD CSC, pinatunayan ng pagdalo ng daan-daang mga Pilipino na kung hindi pananagutin ng rehimeng Marcos ang mga nagkasala ay taumbayan na mismo ang hahabol at maniningil sa kanila.
Dagdag pa ng konseho, bahagi lamang ang fun run ng serye ng mga aktibidad na inaasahan pang ilunsad nila at ng iba pang mga grupo sa darating na mga linggo para maningil at manawagan ng pananagutan. “Hindi tayo titigil na maningil hangga’t hindi pa naibabalik ang lahat ng nararapat sa atin at hindi pa nananagot ang mga nagkasala,” anito.
Mula 2022 hanggang 2025, naglaan ang dating rehimeng Duterte at ngayo’y rehimeng Marcos ng ₱680.2 bilyon para sa mga proyektong flood control na hindi napapakinabangan ng taumbayan. Para sa 2026, walang nagbago sa alokasyon ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at rehimeng Marcos sa flood control na tiyak na didiretso na naman sa bulsa ng mga burukratang kapitalista.
Sa nagdaang mga araw, sunud-sunod na kilos-protesta ang inilunsad ng mga grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) para singilin ang rehimen at panagutin ang mga sangkot sa malawakang korapsyon sa bansa. Nag-anunsyo ang grupo na magkakasa ito ng mga demonstrasyon sa susunod na mga araw na inaasahang lulundo sa paggunita sa deklarasyon ng batas militar ng diktadurang Marcos Sr.