Balita

Alok ng AFP sa PKP at BHB na 'magbalik-loob,' isinuka ng mga rebolusyonaryong pwersa

Tahasang tinanggihan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang alok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force (NTF)-Elcac na “magbalik-loob” sa gubyerno kasabay ng paggunita sa ika-56 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ayon sa mga pwersa ng estado, dapat nang sumuko ang mga pwersang rebolusyonaryo dahil papatalo at paubos na ito.

Ipinagyabang ng hepe ng AFP na si General Romeo Brawner Jr na sa pamamagitan ng “mapagpasyang mga operasyon at whole-of-nation approach” ay signipikanteng napahina na nito ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Dagdag pa niya, tanging “isang mahinang larangang gerilya” na lamang ang hawak ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Tugon dito ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP, katawa-tawa ang pahayag ni Gen. Brawner na ang layunin lamang ay lituhin ang publiko. “Kung nag-iisa na lamang at mahina na, bakit patuloy ang paglulunsad nito ng mga focused military operation (FMO) sa hindi bababa sa 20 prubinsya sa kasalukuyan?” ayon pa kay Valbuena.

Malinaw na nag-iimbento lamang ang rehimeng Marcos ng mga numero. Matatandaan na ipinahayag ni Ferdinand Marcos Jr noong Disyembre 2023 na wala nang “aktibong larangang gerilya” ang BHB labas sa 11 “mahihinang larangang gerilya” na may 1,500 mandirigma. Sa ulat naman ng AFP, nakapaglunsad ito ng 276 FMO ngayong taon, nakakumpiska ng 1,141 armas, at nakapagnyutralisa (nahuli, napasuko o napatay) ang 876 diumano’y kasapi o sumusuporta sa BHB. Sa kabila nito, mayroon pa diumanong 1,111 Pulang mandirigma ang BHB.

Pinalalabas din ni Gen. Brawner na “mahina na ang pamunuan” ng Partido dahil sa ulat ng sunud-sunod na “pagkanyutralisa” ng mga lider nito. Ayon kay Valbuena, ang pahayag na ito ay nagpapakita lamang ng desperasyon ng AFP. “Gumagastos ang AFP ng daan-daang milyong piso sa panikttik at operasyong kombat para ‘putulan ng ulo’ ang Partido. Aniya, kahit ilang asasinasyon, ekstra-hudisyal na pagpaslang, pagdukot o pag-aresto ang gawin ng AFP, hindi nito mapipigilan ang pamumuno ng Partido sa rebolusyong Pilipino.

Sa kasalukuyan, mapagpasyang pinamumunuan ng Komite Sentral ng Partido ang isang kilusang pagwawasto na inilunsad nito noong nakaraang taon. Para sa ika-56 na anibersaryo ng PKP, naglabas na rin ng kani-kanyang mga pahayag ang mga pamunuan ng mga komiteng rehiyon kabilang ang sa Cagayan Valley, Southern Tagalog at Negros Island. Ipinahayag nila ang kahandaang pangibabawan ang mga kahinaan at isulong ang rebolusyon sa mas mataas na antas.

Pinagtibay rin ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan, Compatriots at Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa inilabas na mga pahayag ang kanilang suporta sa digmang bayan at pagkilala sa pamumuno ng Partido sa rebolusyong Pilipino. Ang tatlong organisasyon ay kabilang sa 18 alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines.

Todo-todo rin ang paggastos ng AFP at NTF-Elcac sa serye ng mga seremonya ng “pagpapasuko,” paglahok sa programang amnestiya, mga raling “pangkapayapaan” at iba pang palabas para pagmukhaing natatalo na ang rebolusyonaryong kilusan. Lahat ng perang nilulustay nito ay mula sa buwis ng mamamayan.

“Ang pambansang pagtataksil at lubos na paninikluhod ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US, kasabay ang laganap na korapsyon, tumitinding kahirapan at kagutuman, at terorismo ng estado ay nagbibigay diin sa kakagyatan, pagkamakatarungan at pangangailangan para sa rebolusyon,” dagdag ni Valbuena.

AB: Alok ng AFP sa PKP at BHB na 'magbalik-loob,' isinuka ng mga rebolusyonaryong pwersa