Balita

Alyansang kontra korapsyon, muling maglulunsad ng malawakang protesta sa Pebrero

Inianunsyo ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) noong Enero 19 na muli itong maglulunsad ng malawakang protestang kontra korapsyon sa Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA People Power. Ang grupo ang nanguna sa 100,000-kataong demonstrasyon noong Setyembre 21, 2025 at 20,000-kataong protesta noong Nobyembre 30, 2025 kapwa mga protestang kontra korapsyon sa Luneta Park, Maynila.

Sa anunsyo ng KBKK, kasama nito ang iba’t ibang mga sektor at grupo na aktibong lumalahok sa kilusang kontra korapsyon sa bansa. Kabilang dito ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), grupo at konseho ng mga kabataang estudyante na nanguna sa malalaking walkout noong huling bahagi ng 2025, mga manggagawa at maralitang-lunsod, kababaihan, mga guro, manggagawang pangkalusugan, matatanda at iba pa.

Anila, sa kabila ng naging tuluy-tuloy na pangangalampag ng mga grupo at publiko sa rehimeng Marcos ay iilan pa lamang ang napapanagot at wala pang mga “big fish” o bigatin na sangkot sa korapsyon. Dagdag rito, muli na naman umanong niratsada ng rehimen ang pagsasabatas sa pambansang badyet para sa 2026 na sa kaibuturan ay batbat pa rin ng pork barrel at iba pang insertion.

Dismayado rin sila na sa halip na pakinggan ang boses ng bayan laban sa korapsyon ay binubusalan pa ito ng rehimeng Marcos sa pagsasampa ng mga kasong kriminal tulad ng sedisyon. “Nakakalungkot po sapagkat…wala naman akong ninakaw na bilyun-bilyong pondo sa pondo ng taumbayan, pero ako po ang sinasampahan ng gawa-gawang kaso ng gobyerno ni Marcos Jr. habang wala pang napapanagot na malaking pangalan o malaking pulitiko sa ating bansa na involved sa nangyayaring korapsyon,” pahayag ni Jacob Baluyot, isang mamamahayag pangkampus.

Ayon sa KBKK, ang nakatakdang pagkilos ay pagpapamalas na nanatiling buhay at malakas ang malawak na kilusang bayan na humihingi ng pananagutan sa malawakang korapsyon sa bansa. Anito, ang 2026 ay hindi taon ng pananahimik ang kundi panahon ng mas maigting na pagbabantay, mas malawak na mobilisasyon, at pagpapatuloy ng mga aksyong masa laban sa korapsyon.

Ayon sa Youth Rage Against Corruption (YRAC), isasabuhay ng kabataang Pilipino ngayong 2026 ang “diwa at militansya” ng sektor na ipinamalas noong Batas Militar ng diktadurang US-Marcos I. “Ngayong buwan ay ginugunita ang First Quarter Storm. Sunod-sunod na mga protesta na ginawa ng mga kabataan noong panahon ng diktadura ni Marcos Sr,” ayon kay Tiffany Brillante ng YRAC. Aniya, nararapat na ipagpatuloy ng kabataan ang laban sa kasalukuyan sa pagpapanagot sa lahat ng mga kurakot.

Umaasa ang KBKK at mga grupo sa ilalim nito na mas marami pa ang lalahok sa demonstrasyon sa Pebrero 25 at magsasama-sama ang iba’t ibang grupong magkakahiwalay na naglunsad ng protesta sa nakaraan.

AB: Alyansang kontra korapsyon, muling maglulunsad ng malawakang protesta sa Pebrero