Alyansang magtatanggol sa 15-kilometro municipal water, itinatag sa Iloilo
Nagkaisa ang higit 100 mangingisda, akademiko, mga estudyante at taong-simbahan ng Iloilo sa pagbubuo ng alyansang Aton ang Kinse Kilometro noong Marso 3 para ipagtanggol ang karapatan ng maliliit na mangingisda sa 15-kilometrong municipal waters. Dumalo at nakilahok sa pagtitipon ang mga kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).
Pinangunahan ni Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, ang paglulunsad ng alyansa. Tinalakay ni Arambulo ang impliklasyon ng kamakailang desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot ng komersyal na pangingisda sa municipal waters.
Ayon sa Pamalakaya, ibinukas ng Korte Suprema ang humigit-kumulang 90% ng municipal waters sa pagsasamantala ng malalaking kumpanya ng pangingisda. Ang nasabing desisyon ay magpapahintulot sa mga komersyal na mangingisda na lumampas sa municipal waters at mas malalim sa pitong “fathom” (katumbas ng 12.8 metro).
Sa gayon, tanging 10% lamang ng municipal waters ang mas mababa sa pitong fathoms ang lalim, at sa gayon, ito lamang ang magiging eksklusibo para sa maliliit na mangingisda. Liban sa mga katubigang tabang, sakop ng municipal waters ang karagatang 15 kilometro mula sa baybay.
Tinatayang 180,000 na mga mangingisd mula sa 52 baybay na bayan ng isla ng Panay at Guimaras ang lubhang maapektuhan ng desisyon na ito ng korte kung tuluyang maisasakatuparan.
Pinangungunahan ngayon ng Pamalakaya-Panay ang isang petisyon sa buong isla para itulak ang korte na baligtarin ang desisyon ng Korte Suprema at panatilihin ang eksklusibong karapatan ng maliliit na mangingisda sa municipal waters.