Amirah Lidasan, ika-11 kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan
Idineklara ngayon araw, Setyembre 24, ang pagtakbo ng lider Moro na si Amirah “Mek” Lidasan sa Senado sa eleksyong 2025. Si Lidasan, kasalukuyang pangkalahatang kalihim ng Moro-Christian People’s Alliance at co-chairperson ng Sandugo – Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self Determination, ang ika-11 kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.
Isinagawa ang kanyang deklarasyon kasabay ng paggunita sa Palimbang Masaker sa Sultan Kudarat kung saan 1,500 mamamayang Moro ang pinatay ng mga pwersa ng noo’y diktadurang Ferdinand Marcos Sr.
Si Lidasan ay aktibong tagapagtanggol ng mga karapatan ng mamamayang minorya mula pa noong kabataang aktibista pa siya sa University of the Philippines. Halos ang buong buhay niya ay inilaan sa mga paglaban ng mamamayang Moro at mga komunidad ng mga katutubo at ang kanilang karapatan para sa pagpapasya-sa-sarili.
“Lubos naming ikinatutuwa ang pagsali ni Amirah Lidasan sa aming senatorial slate,” pahayag ni Atty. Neri Colmenares, dating kinatawan ng Bayan Muna at co-chairperson ng Koalisyong Makabayan. “Isang di matatawarang dagdag sa aming tim ang kanyang walang kapagurang paghahangad ng hustisya at paglaban para sa mga karapatan ng…mamamayang katutubo.”
Ayon kay Colmenares, patunay ang pagtakbo ni Lidasan ng diversity at lakas ng Makabayan. “Palalakasin niya sa Senado ang boses ng mga Moro at iba pang katutubong mamamayan, at titiyakin niya na ang kanilang mga pakikibaka at hinahangad ay maririnig at mahaharap.”