Anibersaryo ng EDSA People Power, ginunita sa Davao

,

Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga progresibong grupo sa Davao City noong Pebrero 24 para gunitain ang makasaysayang EDSA People Power na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr, 37 taon ang nakalipas.

Kasabay nito, ginunita rin nila unang anibersaryo ng kamatayan ng New Bataan 5, kung saan ang mga guro ng Lumad school na sina Chad Booc at Gelejurain Ngojo II at tatlong pang sibilyan ay brutal na pinatay ng mga pasistang tropa ng Armed Forces of the Philippines sa New Bataan, Davao de Oro noong nakaraang taon, Pebrero 24, 2022.

Samantala, mariing kinundena ng Kabataan Partylist – Southern Mindanao Region (SMR) ang nagkalat na posters ng disimpormasyon tungkol sa EDSA People Power na nakitang nakapaskil sa Tagum City, Davao City at sa iba pang bahagi ng Davao Region kasabay ng paggunita sa ika-37 taong anibersaryo ng EDSA People power kahapon.

Isinaad sa mga poster na “peke ang 1986 EDSA Revolution” dahil ito ay pagtitipon ng ilang milyong Pilipino na “nalinlang lamang” para lumahok.

“Ang EDSA People Power ay hindi peke,” ayon sa pahayag ng Kabataan Partylist-SMR. “Ito ay ang pagkakaisa ng sambayanan para patalsikin ang diktadurang Marcos! Ang mga ganitong propaganda ay hayagang ipinapatupad ng kasalukuyang rehimeng Marcos Jr- Duterte para linlangin ang sambayanan.”

AB: Anibersaryo ng EDSA People Power, ginunita sa Davao