Balita

Arbitraryong pagpapatigil sa pagmimina ng mga small-scale na minero sa Surigao City, inireklamo

,

Nagreklamo ang mga small-scale na minero sa Barangay Mat-i, Surigao City sa arbitraryong pagpapatigil sa kanila na makapagmina na kanilang pangunahing hanapbuhay. Anang mga residente, bagaman sinasabing panandalian lamang ay walang malinaw na paliwanag ang lokal na gubyerno at mga sundalo at pulis na nag-anunsyo sa pagpapatigil ng maliitang pagmimina.

“Sobrang hirap…anong ibibili namin ng mga notebook at pang-enrol sa aming mga anak?” pahayag ng isang residente sa wikang Bisaya. Aniya, napakasakit isipin na silang mga lokal at residente sa barangay ang pinagkakaitan ng kabuhayan.

Ibinahagi pa niya na mayroong bali-balita na may papasok na malakihang operasyon sa pagmimina sa lugar na pangangasiwaan ng malalaking korporasyon. “Saan na lang kami pupulitin nito?” aniya.

Hindi alam ngayon ng mga residente kung saan sila kukuha ng kanilang ikabubuhay dahil halos lahat ng mga taga-Barangay Mat-i ay nakasalalay lamang sa maliitang pagmimina.

Ang mga minero sa barangay ay dating mga kasapi ng Nagkahiusang Gagmayng Minero (NAGAMI), isang organisasyon ng maliliit na minerong nagtatanggol sa kanilang kagalingan at karapatan. Binuwag ito ng militar at nagtayo ng bagong organisasyon na kontrolado ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinatatakbo ng militar ang bagong buong organisasyon mula Nobyembre 2020 pagkatapos nitong paslangin ang isang lider ng NAGAMI sa mismong Barangay Mat-i. Tinakot, ginipit at “pinasurender” ng AFP ang mga sibilyang minero matapos nito.

Ayon sa mga residente, napakadali sa gubyerno na gipitin o arestuhin ang maliliit na minero kapag sinasabing lumabag sa batas ngunit pinapabayaan ang malalaking kumpanya sa mina na dambungin at sirain ang kalikasan sa prubinsya.

Noong Perbero 2024, naiulat ang iligal na pagmimina ng isang malaking kumpanya sa naturang barangay at katabing Barangay Mabini. Iniulat ng mga residente na nakakita sila ng mga Chinese na sinasabing nagpatakbo sa operasyon.

Nakpag-operasyon ito nang walang permit bago nadiskubre at ipinatigil ng lokal na gubyerno noong huling bahagi ng 2024. Nag-iwan ng malaking pinsala sa kabundukan at kalikasan ang iligal na pagmimina. Pinalubha rin ng mga ito ang pabaha at pagguho ng lupa sa mga komunidad.

AB: Arbitraryong pagpapatigil sa pagmimina ng mga small-scale na minero sa Surigao City, inireklamo