Aset sa paniktik ng PNP sa Negros Occidental, napatay sa operasyon ng BHB
Isang aset paniktik ng Philippine National Police (PNP) ang napatay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) sa armadong aksyon nito noong Hunyo 5 ng gabi. Ipinatupad ng BHB ang parusang kamatayan alinsunod sa atas ng hukumang bayan laban kay Momarlito Alingasa sa Sityo Pison, Barangay Minautok, Calatrava, Negros Occidental.
Ayon sa hukbong bayan, namutok si Alingasa laban sa mga Pulang mandirigma na naglunsad ng armadong aksyon. Nakumpiska sa kanya ang iligal na droga, pera, baril na .45 pistola, at isang magasin. Nakuha rin sa kanya ang isang ID na nagpapatunay na bahagi siya ng PNP Force Multipliers na Community Information Service Support Group.
Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros, patung-patong ang krimen ni Alingasa laban sa masang Negrosanon at sa rebolusyonayrong kilusan. Aniya, napatunayan sa hukumang bayan na isa siyang aktibong aset sa paniktik, maysala sa mga kasong pagpatay, panghaharas sa mga residente, pagpatay sa mga kalabaw, panggagahasa at pagbebenta ng iligal na droga.
Ilan sa mga bantog niyang kaso ang pagpatay sa isang magsasaka sa Sityo Vergara, Barangay Bug-ang, Toboso sa utos ng panginoong maylupa na si Baby Lumayno; panggigipit sa mga residente ng Barangay Marcello; pagmasaker sa mga kalabaw ng masa sa Sityo Minauyahan, Barangay Minautok; at pagpatay sa lider aktibistang kilala bilang “Bador” na taga-Sityo Makatagak sa Minautok. Dagdag ni Estrella, ang nakumpiskang droga mula kay Alingasa ay nagpapatunay na “kunsintidor sa pagbebenta at nagpapalaganap ng iligal na droga” ang mga sundalo at pulis.
Sa isang panayam sa lokal na midya ni Police Captain Jesus Alba, hepe ng Calatrava Municipal Police Station, si Alingasa ay tinukoy niya bilang “aktibong tagasuporta” ng National Task Force-Elac. Samantala, pinalalabas ni Alba na nasa “drug watch list” ng lokal na pulis at “target ng operasyon ng mga pulis” si Alingasa sa pagtatangkang burahin ang kanilang ugnayan sa kanya.
Inamin rin ni Alba na matagal pa silang nakapasok sa Barangay Minautok matapos ang armadong aksyon ng BHB-Northern Samar dahil sa takot na mapatamaan rin ng hukbo. Humingi pa umano sila ng saklolo at alalay mula sa Negros Occidental Provincial Mobile Force Company para makapaosk sa erya.
“Hindi titigil ang NPA sa pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng berdugong naghaharing uring mapagsamantala, reaksyunaryong gobyerno at ng mersenaryong AFP at PNP,” pagtatapos na pahayag ni Estrella.