Babaeng kumander, itinalaga bilang bagong tagapagsalita ng BHB-Southern Tagalog
Inianunsyo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southern Tagalog (Melito Glor Command) at ng Office of the Regional Spokesperson (ORSP) nitong Setyembre ang pagtatalaga ng bagong tagapagsalita ng panrehiyong kumand. Magsisilbi bilang upisyal na tagapagsalita at kinatawan ng rebolusyonaryong hukbo sa rehiyon si Ka Cleo del Mundo, dating tagapagsalita ng BHB-Quezon (Apolonio Mendoza Command).
Si Ka Cleo ang ikalimang tagapagsalita ng kumand mula sa namayapang si Ka Roger (1992-2000), Ka Bart (2001-2009), na sinundan ni Ka Diego (2016-2019) na ngayo’y nakakulong, at ni Ka Armando Cienfuego. Bilang babaeng kumander ng hukbong bayan, si Ka Cleo ay magsisilbi ring simbolo ng di matatawaran at mahalagang papel ng kababaihang Pilipino sa armadong pakikibaka.
Mahigit isang dekadang nagsilbing boses si Ka Cleo ng hukbong bayan at rebolusyunaryong mamamayan sa Quezon. Sa kanyang pagsisilbi bilang tagapagsalita ng prubinsya, matalas at maagap siyang sumagot sa iba’t ibang mga isyu sa panahon ng nakalipas na mga rehimeng Aquino II at Duterte, at ng kasalukuyang rehimeng Marcos.
Ayon sa ORSP-BHB-Southern Tagalog, ang pagkakahirang kay Ka Cleo bilang bagong Tagapagsalita ng hukbong bayan sa rehiyon ay higit na magtitiyak sa pagbibigay-tinig sa mamamayan ng Southern Tagalog para magpahayag ng totoo at tamang impormasyon. Tiniyak ng upisina na hindi palalampasin ni Ka Cleo ang anumang pekeng balita at disimpormasyon na ipinakakalat ng rehimeng Marcos at armadong pwersa nito.
Anito, matalas na pasusubalian at itutuwid ni Ka Cleo ang mga kasinungalingan para sa gayon ay mabigyang direksyon ang paninindigan at pakikibaka ng hukbong bayan at mamamayan ng Southern Tagalog.
Sa kanyang unang pahayag bilang tagapagsalita ng BHB-Southern Tagalog, nanawagan si Ka Cleo sa BHB na puspusang makibaka at biguin ang todo gera ng estado laban sa rebolusyonaryong kilusan. Inilatag niya ang kalagayan ng bansa at ng rehiyon, laluna sa harap ng nalalantad na mga isyu ng katiwalian ng rehimeng Marcos, krisis sa ekonomya at pulitika, pinabagsik na pasismo at ang pinatinding panghihimasok ng US sa bansa.
Ayon kay Ka Cleo, “nakahanda ang buong bayan na biguin at wakasan ang kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II sa pamamagitan ng kanilang makauring pagkakaisa, pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka at pag-aarmas.” Ipinahayag niya na nakahandang lumaban ang lahat ng yunit ng hukbong bayan sa Southern Tagalog para ipagtanggol ang mamamayan sa brutalidad ng gera ng estado, parusahan ang mga pusakal na kaaway at ipagwagi ang digmang bayan para kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya at makatarungang kapayapaan.
Ikinalugod at sinalubong ng pagbati ng iba’t ibang mga kumand sa ilalim ng BHB-Southern Tagalog ang pagkakatalaga kay Ka Cleo bilang bagong tagapagsalita sa rehiyon. Nagpaabot rin ng pagpupugay sa kanya ang mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front-Southern Tagalog.
Ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command), ang pagkakatalaga kay Ka Cleo bilang bagong tagapagsalita ay tanda ng pagpupursige ng mamamayan sa rehiyon sa landas ng matagalang digmang bayan. “Nanatili at nagpapanibagong-lakas ang BHB at mga larangang gerilya sa rehiyon kasabay ng pagsiklab ng galit ng mamamayan sa tumitinding pagpapahirap at pang-aapi sa kanila ng rehimeng US-Marcos,” aniya.
“Proud kami sa ‘yo Kasamang Cleo!” ang pahayag ng Kabataang Makabayan (KM)-Quezon (Balangay Dani Lagrama). Si Ka Cleo ay naging kasapi ng KM-Quezon bago sumapi sa hukbong bayan at naglingkod dito sa nagdaang mga taon.
“Ikinagagalak ng KM-Quezon na mula sa hanay ng mga kabataang Quezonin ang patuloy na tumatangan ng mga matataas na rebolusyunaryong tungkulin. Tunay na kabataan ang salinlahi ng rebolusyon!” anang KM-Quezon. Ayon sa grupo, mula pa nang maging kasapi si Ka Cleo ng KM-Quezon ay ipinakita niya ang kanyang husay bilang isang organisador at propagandista na nagpupukaw, nag-oorganisa at nagpapakilos ng mga kabataan.
“Dahil makatarungan ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, inaanyayahan ang lahat na sumapi sa BHB, laluna sa mga kabataan. Kayo ang mga bagong henerasyong Pilipino ang magmamana ng kinabukasan,” pagtatapos ni Ka Cleo sa kanyang unang pahayag bilang panrehiyong tagapagsalita.