Babaeng lider-katutubo sa Kalinga, muling ginipit ng 503rd IBde
Kinundena ng Innabuyog-Kalinga at Innabuyog-Cordillera ang panibagong kaso ng harassment, panggigipit at Red-tagging ng 503rd IBde kay Beatrice “Betty” Belen sa kanyang bahay sa Uma Del Norte, Lubuagan, Kalinga. Si Belen ay kasalukuyang tagapangulo ng Innabuyog-Kalinga, grupo ng mga kababaihang katutubo sa prubinsya.
Ayon sa Innabuyog-Kalinga, pinuntahan si Belen ng walong sundalo sa pangunguna ng isang Lawrence Busway noong Setyembre 28. Anito, walang malinaw na dahilan o kahit anong ligal na batayan ang pagpunta ng mga sundalo sa bahay ni Belen.
Noong Setyembre 29, muling bumalik ang parehong tropa ng militar para ipabatid kay Belen at kanyang asawa na parte sila ng isang sinasabing “listahan ng mga NPA” at na dapat silang “magpa-clear ng pangalan.” Pahayag ng Innabuyog-Kalinga, “walang kahit anong ebidensyang ipinakita, at ang mga biktima ay pinagkaitan ng pagkakataong kwestyunin ang mga pwersa ng estado o mabigyan ng pagkakataong itanggi ang mga paratang na ito.”
Naniniwala ang grupo na bahagi ang pinatinding kampanyang ito ng panunupil ng pagpapatupad ng Kalinga Convergence of Communities, Resilience, Empowerment, Sustainability, and Transformation (KCREST) ng Provincial Task Force-Elcac. “Ginagamit ang programa para atekehin ang mga inosenteng sibilyan, at ang pagbabansag sa mga indibidwal bilang mga ‘NPA’ ay katumbas ng panghaharas, red-tagging, at isang seryosong banta sa kanilang kaligtasan at kapayapaan ng isip,” pahayg ng grupo.
Ang pamilyagn Belen ay kabilang sa unang siyam na mga indibidwal sa barangay na humarap sa ganitong walang batayan at malisyosong mga akusasyon ng rehimeng Marcos. Nauna na itong naipabatid sa kanila ng mga pulis noong Hulyo.
Hindi na bago kay Belen ang pag-atake ng mga pwersa ng estado sa kanyang mga karapatan. Noong Oktubre 2022, inaresto si Belen matapos halughugin ang kanyang bahay at palabasing nakumpiska sa kanya ang tatlong riple. Nakalaya siya makalipas ang halos apat na buwan.
“Kahit pa naibasura ang lahat ng mga kaso, target pa rin siya ng panunupil ng estado,” pahayag ng Innabuyog-Kalinga. Giit ng grupo at pamilyang Belen, dapat mapanagot ang mga pwersa ng estado sa paglabag sa karapatang-tao at wakasan ang mga inhustisyang ito.