Balita

Balangay ng KM sa Maynila, naghahanda para sa ika-61 anibersaryo

,

Nagtipon nitong linggo ang mga myembro ng isang balangay ng Kabataang Makabayan (KM) sa isang kolehiyo sa Maynila para magpulong at mag-aral. Ayon sa KM-Balangay Agaton Topacio, pinlano rin sa pagtitipon ang pagdiriwang ng balangay sa ika-61 anibersaryo ng KM sa Nobyembre 30.

Sikreto at ligtas na naisagawa ng balangay ang pagtitipon sa pambansang kabisera. Maingat nitong pinaghandaan ang aktibidad at tiniyak na sinunod ng lahat ng mga dadalo ang mga protokol sa seguridad.

Sa pagtitipon, pangunahing aktibidad ang sama-samang pag-aaral sa akda ni Ka Amado Guerrero na Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan. Pinili ng KM-Agaton Topacio ang akda para mapag-aralan ang digmang bayan na inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), maunawaan ang mga partikularidad nito at mabatid ang pamamaraan ng pagsusulong nito mula sa isang yugto tungo sa isa pa.

Matapos ang pag-aaral, nagbahagi ng pananaw ang mga dumalo. “Napalalim nito ang pag-unawa ko sa digmang bayan,” pagbabahagi ni Ka Sharon, bagong rekrut sa KM. Ayon naman kay Ka Linda, nabigyan siya ng pag-aaral ng bagong perspektiba sa digma mula sa dating negatibong pagtanaw lamang dito.

Sama-sama ring nanuod ang mga myembro ng KM ng dokumentaryo ng Sine Proletaryo na Buhay Komunista 2, nag-aral ng rebolusyonaryong awitin na Pagbati, at nagbasa ng tulang Ang Gerilya Ay Tulad Ng Makata ni Kasamang Jose Maria Sison. Nagtalakayan rin ang balangay hinggil sa paglikha ng rebolusyonaryong sining at ang pagkakatulad nito sa sining ng gerilyang pakikidigma.

“Sa kabila ng uring pinagmulan ko, mas nasasabik ako ngayon na lumahok sa susunod na grupo ng mga estudyante na makikibahagi sa rebolusyonaryong integrasyon,” ayon ay Ka Len. Ang rebolusyonaryong integrasyon ay programa ng KM at mga organisasyon sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines na pumasok sa yunit ng BHB at gumampan ng tungkulin sa loob ng yunit.

Ibinahagi rin ng isa pang myembro ng KM-Agaton Topacio na pinagtibay pang lalo ng pulong at pag-aaral ang kanyang kagustuhan na magpultaym sa Pulang hukbo. “Nakikita ko na ang sarili ko na magpupultaym sa rebolusyonaryong hukbo,” aniya.

Nagpahayag naman ng optismo ang upisyal ng balangay na si Ka Ces sa positibong ibubunga ng kanilang nailunsad na pagtitipon. “Sana ay mabigyang kakayahan tayo ng mga talakayang ito na higit pang pandayin ang ating mga sarili sa larangan ng ideolohiya,” aniya. Higit umanong kinakailangan ito ng mga myembro ng KM sa harap ng umiigting na pampulitikang sitwasyon.

Sa huli, pinagtibay ng balangay at mga myembro nito ang kapasyahang higit pang palawakin ang KM sa kanilang lugar ng paggawa at kolehiyo para masuportahan ang mga mandirigma ng BHB at ang digmang bayan. Handa ang balangay na ipwesto ang sarili sa unahan ng mga estudyante at kabataan para pamunuan ang kanilang pakikibaka, at ihapag ang alterinatibo sa mga sawa na sa bulok na sistema at nais magrebolusyon.

“Lumalagablab ang apoy ng militanteng diwa at tradisyon ng Kabataang Makabayan sa hakbang-hakbang na pag-organisa ng mga kabataan patungo sa landas ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Mag-aral tayo tungkol sa digmang bayan, tumungo tayo sa kanayunan,” pahayag ni Dionisio Beltran, tagapagsalita ng KM-Agaton Topacio.

AB: Balangay ng KM sa Maynila, naghahanda para sa ika-61 anibersaryo