Banta ng demolisyon sa isang komunidad sa Davao City, kinundena
Kinundena ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap)-Davao ang bantang demolisyon laban sa 47 kabahayan sa Dalat, San Roque, Davao City noong Disyembre 10. Ayon sa mga residente, nagmula sa upisina ni Atty. Elisio Braganza ang banta ng pagpapalayas sa kanila.
Sa araw na iyon, lumapag sa komunidad ang mga tauhan ng Davao City Local Government Unit (LGU), sa partikular mula sa City Engineering Office. Labis na nangamba ang mga residente para sa kanilang mga tirahan at karapatan.
Ayon sa Kadamay-Davao, lubhang pagbalewala ang banta ng demolisyon sa kapakanan ng komunidad at kasabay pang inilunsad sa paggunita sa Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao. “Mahigpit nating ipinananawagan na ihinto ang hindi makatarungang demolisyon at intimidasyon, at dapat bigyan ng tamang relokasyon at sapat na kompensasyon ang mga apektadong pamilya,” pahayag ng grupo.
Hinimok nito ang mga kapwa maralita sa Davao na magkaisa at mag-organisa para ipahayag at ilantad ang kinahaharap nilang mga isyu at paglabag sa karapatang-tao. Samantala, nagpahayag ng pakikiisa sa mga maralita ang Gabriela Women’s Party-Southern Mindanao. “Manindigan kasama ang komunidad,” panawagan ni Dra. Jean Lindo, ikatlong nominado ng partido para sa eleksyong party-list sa 2025.