Balita

Banta ng pagkakaso ng mga pulis laban sa mga nagprotesta kontra korapsyon, binatikos

,

Nanindigan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) laban sa mga pagbabanta ng Philippine National Police (PNP) na magsasampa ng mga kaso laban sa mga aktibista at grupong lumahok sa mga protestang kontra korapsyon noong Setyembre 4 at 5. Anang grupo, napakadali para sa mga pwersa ng estado na maghanap ng mali sa mga nagpapahayag ng galit sa korapsyon habang wala itong ginagawa para papanagutin ang mga nangulimbat ng bilyun-bilyong piso sa pondo ng bayan.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), naghahanda ito ng mga kaso dahil sa sinasabing pagkasugat ng walong pulis na marahas na nagdispers sa rali sa harap ng House of Representatives noong Setyembre 5. May banta rin ito ng pagkakaso ng paglabag sa Batas Pambansa bilang 880 o Public Assembly Act of 1985 dahil sa kawalan ng “permit.”

Nag-anunsyo rin ang Pasig City Police na “ipatutupad” nito ang batas laban sa nagprotesta sa harap ng gusali ng St. Gerrard Construction, kumpanya ng mga kontratistang Discaya, sa Pasig City. Sumugod sa upisina ng mga Discaya ang mga grupo noong Setyembre 4 para kundehahin ang korapsyon. Sa galit, pinagbabato nila ng putik ang tarangkahan at pinintahan ng mga salitang “magnanakaw” at “ikulong”.

Ayon sa Bayan, sinasalamin ng banta ng pagkakaso ng mga pulis ang pagpanig ng batas, mga institusyon at mga pwersa ng estado sa mayayaman at mga amo nito sa gubyerno. Gayunpaman, idineklara ng grupo, “hindi sila mapipigilan nito sa pagsasagawa ng mas malalaki at mas militante pang mga protesta laban sa malawakang korapsyon sa gubyerno.”

Samantala, nanawagan rin ang Bayan sa mga pambansa at lokal na upisyal ng gubyerno na tigilan ang pagbabansag sa mga protesta bilang simpleng “mob rule” o pangunguyog na bumabagbag sa karapatan sa pagpapahayag ng mga Pilipino. “Iwasan rin ninyo ang paglilihis sa usapin sa pagpapanawagan ng pagiging kalmado sa harap ng malawakan at sistematikong korapsyon sa gubyerno,” anito.

Nakatakdang ilunsad at pangunahan ng Bayan ang mga kilos-protesta sa darating na mga araw at linggo sa iba’t ibang rehiyon sa bansa kontra sa korapsyon.

AB: Banta ng pagkakaso ng mga pulis laban sa mga nagprotesta kontra korapsyon, binatikos