Bantang demolisyon sa barangay sa Laguna, kinundena
Kinundena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirapn (Kadamay)-Laguna ang pagpunta ngayong araw, Enero 31, ng 8-10 kataong demolisyon tim sa Barangay Nueva, San Pedro, Laguna para ipatupad ang bantang demolisyon sa baybay riles. Noong Enero 7, nagbigay ng babala ang Department of Transportation sa mga lokal na sila ay palalayasin ngayong araw sa kabila ng kawalan ng “court order” para sa demolisyon.
“Hanggang ngayon ay wala pa ring kasiguraduhan na makakatanggap ng pabahay at maayos na malilipatan ang mga lokal sa Nueva,” ayon sa Kadamay-Laguna. Anila, hindi makatarungan at hindi makatao ang pagsagasa ng demolisyon nang walang malinaw na ibibigay na lilipatan ang gubyerno.
Nanawagan ang grupo sa lokal na gubyerno ng San Pedro na tulungan ang mga lokal ng baybay riles sa kanilang hinaing at pigilan ang nakabantang demolisyon.
Binatikos rin ni Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay, ang bantang demolisyon. “Hindi na nga nagagawa ng pamahalaan nating bigyan ng trabaho o kabuhayan ang mga tao ay ito pa mismo ang kumukuha ng kabuhayan nila,” pahayag niya.
Aniya, makatarungan lamang na ipaglaban ng mga maralita ang karapatan para sa katiyakan sa kabuhayan, paninirahan, murang bilihin at serbisyong panlipunan. Si Doringo ay isa sa mga kandidato pagkasenador ng Makabayan. Pangunahin niyang plataporma ang pagtatanggol sa karapatan ng mga maralita at kababaihang anakpawis.