Barkong Chinese na pang-dredging, inalmahan ng mga mangingisda sa Zambales
Iniulat ng mga residente ng Barangay San Rafael, San Felipe sa Zambales ang presensya ng isang barkong Chinese na matagal nang nagsasagawa ng dredging operations malapit sa baybay ng barangay. Matagal na itong inirereklamo ng taumbaryo dahil sa pagsira nito sa karagatan, ingay at iba pang mapaminsalang epekto sa kapaligiran at komunidad. Ayon sa mga residente, ang buhangin na hinuhukay nito mula sa lugar ay para sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay malapit sa Pasay City (Pasay Harbor Reclamation Project, SM Smart City Reclamation Project) at Bulacan (Aerotropolis).
Sa ulat ng lokal na gubyerno ng Zambales, pinayagan nitong magsagawa ng dredging operations ang kumpanyang Chinese na China Harbour Engineering Company, isang subsidyaryo ng China Communications Construction Company (CCCC). Ang kumpanyang ito ay pampublikong kumpanya ng China, at sangkot sa pagtatayo ng mga pasilidad pangmilitar sa South China Sea na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Inilusot ito ng mga lokal na upisyal sa pangunguna ng gubernador ng prubinsya na si Hermogenes Ebdane Jr.
“Noon pa inalmahan ng mga mangingisda ang malubhang epekto ng dredging sa kanilang kabuhayan. Bumagsak ang huling isda dahil sa pagkasira ng iba’t ibang yamang-dagat,” ayon kay Ronnel Arambulo, bise presidente ng Pamalakaya at kandidatong senador ng Makabayan, matapos makipagkonsultasyon sa mga mangingisda sa lugar.
“Nakakagalit na napahintulutan ng pamahalaan ang operasyong ito sa kabila ng napatunayan nang masamang epekto ng dredging at reklamasyon sa kalikasan at kabuhayan ng mga mangingisda,” ayon sa grupo.
Panawagan ni Arambulo, dapat ipahinto ang dredging sa Zambales at kagyat na gumawa ng mga hakbang para sa rehabilitasyon ng nasirang pangisdaan. Panawagan din niya ang paghihinto sa lahat ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay.