Balita

Pagtatayo ng incinerator sa Davao City, tinutulan

,

Magpapalala lamang sa climate crisis ang planong itayong waste-to-enery (WTE) incinerator ng lokal na gubyerno ng Davao City. Magsusunog ito ng mga plastik at lilikha ito ng greenhouse gas at nakalalasong usok, ayon sa mga grupong maka-kalikasan.

“Hindi WTE incinerator ang sagot sa limitadong kapasidad para sa koleksyon at segregation (paghiwa-hiwalay) ng basura ng Davao City,” ayon sa Ecowaste Coalition, isa sa mga tumututol sa proyekto. Sa halip dapat nitong ipatupad ang ecological solid waste management at itaguyod ang mga sistemang Zero Waste (pagbabawas ng basura) at mga inobasyon na makatarungan at angkop para sa maayos na pagliligpit ng basura. Tinukoy din nilang labag ito sa Clean Air Act of 1999.

Alinsunod sa datos ng lokal na gubyerno, umaabot sa 600 hanggang 650 toneladang basura ang nalilikha ng syudad kada araw. Kahalati nito ay biodegrable at sa gayon ay di kinakailangang sunugin. Sa kasalukuyan, dinadala ang mga ito sa isang tambakan sa Barangay New Carmen sa Tugbok District. Noon pang 2016 napuno ang naturang tambakan, na may kapasidad lamang na 700,000 hanggang 800,000 tonelada. Ayon sa syudad, nasa 900,000 tonelada na ang naitambak na basura sa lugar.

Nakatakdang itayo ang incinerator sa 10-ektaryang lupang agrikultural sa Biao Escuela na saklaw pa rin ng Tugbok District. Ang pagsusunog ng basura dito ay makaaapekto sa kalusugan ng mga residente sa 20 komunidad sa loob ng 10-kilometrong radius ng proyekto.

Tutustusan ng utang at magastos na proyekto

Liban sa mapanira, magastos ang proyektong incinerator na may halagang ₱5.23 bilyon. Manggagaling sa kaban ng syudad ang ₱3.5 bilyon, katumbas sa 60% ng badget ng buong Department of Environment and Natural Resources. Ang natitirang ₱2.052 bilyon ay tutustusan ng utang mula Japan.

Noong Enero, inilabas ang isang pahayag na pinirmahan ng 71 maka-kalikasang grupo para ipanawagan sa gubyerno ng Japan na itigil ang suporta nito sa naturang proyekto. Binatikos nito ang Japan International Cooperation Agency sa kawalan nito ng accountability sa “maling mga solusyon sa waste manaagement” sa Davao City. Ito ay matapos itanggi ng JICA na pinopondohan nito ang proyekto.

“Mula 2010, susi na ang Japan sa pagpasok ng mga WTE incinerators sa Davao CIty,” ayon sa pinag-isang pahayag. Tuso nitong itinulak ang proyekto sa ilalim ng isang “collaboration program” sa pribadong sektor para sa “diseminasyon” o pagpapalaganap ng teknolohiyang Japanese. Sa aktwal, nagkaroon ng kasunduan ang gubyerno ng Japan at Pilipinas noong 2019 sa pamumuno ni Rodrigo Duterte.

AB: Pagtatayo ng incinerator sa Davao City, tinutulan