BHB-Aurora, aktibong nakapagdepensa kontra 91st IB
Isa ang nasugatang sundalo ng 91st IB sa aktibong pagdepensa ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Aurora (Domingo Erlano Command) noong Agosto 21 ng hapon sa Sityo Aguses, Barangay Matawe, Dingalan, Aurora. Kasunod ng kontra-atake ng hukbong bayan, ligtas na nakaatras ang pwersa nito.
Tatlong buwan na ang focused and sustained military operations ng 91st IB sa Dingalan at katabing mga bayan nito. Nagbuhos ang batalyon ng limpak-limpak na pera at daan-daang tropa sa desperasyong hagilapin ang yunit ng hukbong bayan.
“Bigo ang 91st IB na pinsalaan at durugin ang BHB-Aurora,” pahayag ng pamprubinsyang kumand. Dagdag pa ng yunit, pinasinungalingan na naman ang pahayag ng rehimeng Marcos at mga upisyal militar nito na “wala nang grupong gerilya” sa bansa.
Kaugnay ng walang tigil na operasyong kombat ng 91st IB, naitala sa prubinsya ang patung-patong na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.
Iniulat ng mamamayan ng Dingalan ang mga kaso ng pagnanakaw ng militar sa gamit at pagkaing pangkonsumo ng mga residente, pagbase sa mga kabahayan at eskwelahan, pagpapauwi sa mga mangingisda nang hubo’t hubad at iba pa.
Noong Abril lamang, ginawang palaruan ng tropang Amerikano at sundalong Pilipino ang Aurora bilang lunsaran ng mga aktibidad sa ilalim ng Balikatan 2025 war games. Maraming magsasaka, mangingisda at karaniwang mamamayan ang hindi nakapaghanapbuhay nang maayos sa panahong iyon dahil sa ipinataw na kung anu-anong mga pagbabawal at restrikong para sa war games.
Liban dito, naitala ang mga kaso ng prostitusyon sa kababaihang Dingaleño at panglalason sa mga sapa dulot ng war games na ikinapahamak ng dalawang batang paslit.
Naniniwala ang mamamayan ng Aurora na bahagi ang militarisasyon at operasyong kombat ng pangmatagalang layunin ng papet na rehimeng Marcos sa Dingalan na itayo ang Pacific Coast City. Gagamitin ito ng imperyalistang US para sa pagpupusisyon ng mga kagamitang pandigma at pagkontra sa imperyalistang China, sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino.
Sa harap nito, determinado ang BHB-Aurora na biguin ang pinaigting na operasyong kombat ng 91st IB sa prubinsya. “Kasama ang mamamayang Dingaleño, patuloy na magpupunyagi ang BHB-Aurora sa pagsusulong ng digmang bayan para ipaglaban ang interes ng masa sa lupa, kabuhayan, panirahan at mga karapatang-tao, at hanggang sa ganap na pagpapabagsak sa mga pasistang naghaharing uring nang-aapi sa sambayanan,” anang yunit.